Tahimik na Gabay: Ang Kuwento ni Mary
Sa isang liblib na barangay na napapaligiran ng palayan at bundok, doon nakatira si Mary, isang masikap na estudyante na nag - aaral sa pampublikong paaralan sa kanilang lugar. Gising na siya bago sumikat ang araw upang tulungan ang kanyang mga magulang sa sakahan—nagdidilig ng gulay, nagsusuyod ng palayan, at nag-aalaga at nagpapastol ng mga hayop. Sa kabila ng pagod sa umaga, pinipilit niyang makarating sa eskwelahan nang maaga, kahit pa madalas siyang nakatsinelas, walang baon at minsan ay kumakalam ang tyan. Hindi siya sanay makihalubilo sa iba, kaya kadalasan ay tahimik lamang siya sa isang sulok ng silid-aralan. Mayroon naman siyang mga mangilan-ngilang mga kaibigan. Ang kanyang mga guro at mga kaklase ay abala sa kani-kanilang buhay, kaya madalas hindi napapansin ang kanyang pagpupursige. Ngunit sa kanyang puso, may ningas ng pangarap—ang makatapos ng pag-aaral upang makatulong sa pamilya. Sa tuwing may libreng oras, nag-aaral siya sa ilalim ng punong mangga malapit sa paaralan, gamit ang lumang notebook na halos maubos na ang pahina. Hindi niya alintana ang hirap, basta’t alam niyang siya ay papalapit sa kanyang mga pangarap. Wala siyang hinihinging tulong kaninuman—sanay siyang kumayod mag - isa, sanay siyang magsikap. At minsan nga ay mga nakapaligid pa sa kanya ang naghihila sa kaniya pababa upang siya ay panghinaan ng loob.
Habang patuloy si Mary sa kanyang araw-araw na pakikipagsapalaran sa buhay at sa eskwela, unti-unti niyang napapansin ang mga maliliit na pagbabago sa kanyang paligid. Isang araw, may bagong lapis sa kanyang upuan; kinabukasan naman, may nakapatong na papel na may sagot sa mahirap na takdang-aralin. Sa una'y inakala niyang aksidente lang ito o gawa ng kaklase, ngunit nang ito'y paulit-ulit nang mangyari, napaisip siya. Hindi niya alam kung sino ang may pakana, pero nararamdaman niyang may taong nagmamasid sa kanyang pagsisikap. Sa tuwing siya'y malulungkot o mapapagod, tila may dumadating na paalala—isang simpleng papel na may nakasulat na "Kaya mo ‘yan," o isang librong biglang naiwan sa kanyang upuan. Hindi man niya alam kung sino ang gumagawa nito, lubos niya itong pinahahalagahan at ipinagpapasalamat. Pakiramdam niya ay hindi siya nag-iisa. Sa puso niya, may misteryosong gabay na laging nakabuntot sa kanya—tahimik, ngunit matatag. Isang palaisipan kung kanino galing ang mga palihim na biyayang natatanggap niya.
Makalipas ang ilang linggo, napansin ng mga kaklase niya na tila mas aktibo na si Mary sa klase. Hindi na siya nangingiming magtaas ng kamay o sumagot sa recitation. May ilan pa ngang nagsimulang lumapit sa kanya, na dati'y halos hindi siya pinapansin. Lalong lumawak ang kanyang pang-unawa sa bawat aralin, at napansin din ito ng isa sa kanilangmga guro—si Gng. Ambrosia. Kilala si Gng. Ambrosia sa pagiging palabiro at kwela sa klase, ngunit sa likod ng kanyang mga tawa, may mata siyang nakakakita sa mga estudyanteng nangangailangan. Hindi niya ito ipinapakita sa lahat, pero minsan ay nahuli ni Mary ang tingin ng guro na tila ba may pag-unawa sa kanyang pinagdadaanan. Hindi niya ito binigyan ng malisya, ngunit sa loob ng kanyang puso, unti-unti niyang napagtanto at napapaisip—baka siya ang tahimik na gabay at tumutulong sa kanya.
Habang papalapit ang huling pagsusulit ng taon, dumoble ang pagod ni Mary. Bukod sa gawain sa sakahan, kailangan niyang mag-review nang husto upang mapanatili ang mataas na marka. Isang gabi, habang siya'y nagbabasa ng lumang aklat sa ilalim ng lamparang de-gaas, may kumatok sa kanilang bahay. Isang batang lalaki ang may inabot na sobre, sabay sabing: “Sabi po ni Ma’am, para raw po sa inyo.” Gulat na gulat si Mary, ngunit agad na binuksan ang sobre—nandoon ang isang simpleng liham: “Panahon mo na para maniwala sa sarili mo. – A.” Kasama rin ang ilang xerox na reviewer at bagong ballpen. Hindi niya alam kung paano tutugon, kaya't tahimik na lamang siyang ngumiti, sabay hawak sa kanyang dibdib. Sa gabing iyon, hindi siya nakatulog, hindi dahil sa kaba, kundi sa saya at inspirasyong ibinunga ng simpleng mensahe para sa kanya.
Dumating ang araw ng pagsusulit at hindi siya nagkamali—lahat ng kanyang pinag-aralan ay lumabas. Buo ang loob niyang sinagutan ang bawat tanong, at sa kanyang puso, alam niyang handa na siya. Nang matapos ang exam, tumingin siya sa silid-aralan at biglang tumama ang kanyang paningin kay Gng. Ambrosia na tahimik lang na nakaupo sa likod. Walang salita, walang biro—tanging ngiti lang na puno ng pagmamalasakit. Lumabas si Mary ng klasrum na may bagong tapang, hindi lang dahil natapos na ang pagsusulit, kundi dahil alam niyang may taong naniniwala sa kanya. Hindi niya kailangan ng pagkilala o medalya—sapagkat sapat nang alam niyang may liwanag sa kanyang likod. Liwanag na gumagabay sa kanyang landas na tatahakin.
Sa pagtatapos ng taon, isa si Mary sa ginawaran ng parangal bilang “Most Improved Student.” Tahimik niyang tinanggap ito, ngunit sa kanyang puso, sigaw - sigaw ang pasasalamat para Diyos, para sa kanyang mga magulang, at higit lalo para sa taong lihim na gumagabay sa kanya. Sa kanyang pag-uwi, dinala niya ang simpleng medalya at ipinakita sa kanyang mga magulang. “Hindi lang po ito sa akin,” aniya, “para rin po ito sa lahat ng taong tumulong sa akin, kahit hindi ko sila kilala.” Hindi na niya nabanggit si Gng. Ambrosia, sapagkat alam niyang ang tunay na pagtulong ay hindi kailanman naghihintay ng pagbanggit o pagkilala. Sa maliit nilang bahay sa bukid, ipinako niya sa dingding ang medalya, bilang paalala ng isang taong nagliwanag sa kanyang landas.
Lumipas ang panahon, at si Mary ay nakapagtapos ng Senior High School na may pinakamataas na karangalan. Sa kanyang graduation speech, binanggit niya ang mga taong hindi niya kailanman nakilala nang buo, ngunit naging tulay para marating niya ang kanyang mga pangarap. “May mga guro po tayong hindi lang nagtuturo, kundi nag-aakay at gumagabay nang walang kapalit. Hindi man natin sila makilala sa pangalan, mananatili silang bayani sa ating puso, kung sino man po kayo, maraming salamat po. At Diyos na po ang bahalang magsukli sa kabutihang loob niyo. Alam kong ayaw niyo din pong ipakilala ang sarili niyo, pero sa puso ko, kayo po ito. Salamat po.” sabi niya. Sa dulo ng upuan, nakaupo si Gng. Ambrosia—tumawa sa isang biro ng nagspeech at sumipol nang palihim. Walang palakpak, walang spotlight. Ngunit sapat na sa kanya ang mga matang nagniningning dahil sa pag-asang isinaboy niya nang hindi nagpapasikat.
Ngayon, si Mary ay nagtuturo na rin sa parehong paaralan kung saan siya unang nangarap. Isang araw, habang tinuturuan ang mga estudyanteng tahimik at tila nalulumbay, napaisip siya—baka ito na ang panahon para ipasa ang liwanag. Sa kanyang drawer, lagi siyang may ekstrang papel, ballpen, at lihim na mensahe para sa mga batang kagaya niya noon. Hindi niya kailangang sabihin kung saan niya natutunan ito. Sapagkat minsan sa buhay niya, may isang guro na tahimik na nagpatunay—na ang kabutihan ay hindi kailangang ipagmalaki, basta’t mula sa puso.
~Sir Alos TV
No comments:
Post a Comment