Gary: Isang Kuwento ng Sakripisyo at Walang Halong Pasikat na Kabutihan
Sa isang liblib at malabundok na baryo sa malayong lugar, may isang batang lalaki na nagngangalang Gary na labis na nagsusumikap upang makapagtapos ng pag-aaral. Siya ay isang Senior High School student na araw-araw ay naglalakad ng halos limang kilometro para lamang makarating sa paaralan. Sa tuwing umuulan, basang-basa ang kanyang mga paa ngunit hindi ito naging hadlang upang magpatuloy. Ang pamilya ni Gary ay salat sa yaman at salat din sa pagkakataon. Ang kanyang ama ay isang mangingisdang umaasa lamang sa swerte ng laot, habang ang kanyang ina naman ay labandera kung kailan lang may nagpapalaba sa kanilang lugar. Walang permanenteng hanapbuhay ang mga ito kaya’t madalas ay lugmok sila sa gutom at pangungutang. Ngunit sa kabila ng lahat ng ito, ang puso ni Gary ay puno ng pag-asa at pangarap. Nagsusumikap siyang mag-aral ng mabuti hindi para sa sarili lang, kundi para maiahon ang kanyang pamilya sa kahirapan. Hindi siya nawawalan ng gana dahil sa inspirasyong hatid ng isang taong di inaasahan.
Ang tagapayo nila na si G. Burian ay kilala sa pagiging palabiro at palatawa sa loob ng silid-aralan. Laging may bitbit na banat o hirit si Sir na nagpapagaan ng araw ng mga estudyante, kahit pa matitindi ang mga araling kanilang tinatalakay. Pero sa kabila ng kanyang nakakatawang personalidad, may taglay siyang lalim at malasakit na hindi agad nakikita. Madalas, kapag may estudyanteng wala nang makain o walang pamasahe, tahimik siyang lumalapit upang mag-abot ng tulong. Hindi niya ito ipinagsasabi at hindi rin ito ipinapakita sa maraming tao. Ayon sa kanya, ang tunay na pagtulong ay hindi dapat ipinagmamayabang. Kay Gary, si G. Burian ay naging pangalawang ama—taong handang makinig, umalalay, tumulong, at magbigay-lakas. Marami sa kanilang klase ang walang alam sa mga ginagawang kabutihan ng kanilang guro. Ngunit si Gary, saksi sa bawat palihim na tulong ni Sir sa kanyang pag-aaral.
Isang pagkakataon, si Gary ay hindi nakapasok ng tatlong araw dahil wala na silang bigas at pagkain sa bahay. Nabalitaan ito ni G. Burian at agad siyang bumisita sa bahay ni Gary upang mag-Home Visitation, dala-dala ang ilang supot ng bigas, de lata, at ilang pirasong damit. Wala siyang ibang sinabi kundi, “Sabihin mo na lang, nakiki-birthday ako.”, biro ulit ng guro. Napaluha ang ina ni Gary at halos hindi makapagsalita sa sobrang pasasalamat. Mula noon, lihim na tinulungan ni Sir si Gary sa mga gastusin sa paaralan—pambayad sa ambag sa performance task, uniporme, at minsan pati pamasahe. Hindi ito alam ng iba dahil ayaw ni Sir ng pasikatan. Sinanay niya si Gary na maging matatag, maging mapagpakumbaba, at higit sa lahat, laging tumulong kung may pagkakataon. Sa bawat leksyon sa klase, may kalakip itong aral sa buhay. Kaya’t hindi lamang utak ang nahuhubog kay Gary kundi pati puso.
Lumipas ang mga buwan, at naging masigasig si Gary sa pag-aaral. Naging consistent siya sa honors list at aktibo rin sa mga extracurricular activities sa kabila ng kanyang mahirap na sitwasyon. Hindi siya nagrereklamo, bagkus ay mas lalo siyang nagsusumikap. Madalas ay hapon na kung siya'y kumakain ng tanghalian, pero hinding-hindi niya pinapalampas ang klase. Naging inspirasyon siya sa kanyang mga kaklase, at kahit hindi siya palasalita, ramdam ang kanyang determinasyon. Madalas siyang inaasar sa kanyang sirang sapatos, pero hindi siya nagagalit. Sa halip, siya pa ang unang tumatawa upang di mahalata ang sakit sa kanyang damdamin. Ngunit sa puso niya, tanging isang tao lamang ang tunay na nakakaunawa sa kanyang pinagdaraanan. At iyon ay si G. Burian—ang guro na walang sawang naniniwala sa kanyang kakayahan.
Dumating ang huling taon ng kanilang pag-aaral, at habang papalapit ang graduation, ramdam na ang kaba at pananabik ng bawat estudyante. Ngunit para kay Gary, ito ay parang panaginip pa lamang. Wala silang pera para sa toga, litrato, o kahit simpleng sapatos para sa seremonya. Hindi niya alam kung makakadalo pa siya. Subalit, sa hindi inaasahang pagkakataon, isang sulat ang iniabot sa kanya ng adviser nila. Walang lagda, ngunit nakasaad doon na bayad na ang lahat ng kailangan niya para sa graduation. may nakalakip pang nakasulat lamang: "Magpatuloy ka, anak. Ang mundo'y naghihintay sa'yo." Napaiyak si Gary at alam niyang si G. Burian ang gumawa ng paraan, kahit hindi ito inamin.
Nang sumapit ang araw ng graduation, isa si Gary sa mga may pinakamataas na nakakuha ng karangalan. Suot ang hiniram na sapatos mula sa isang kaklase at togang bayad ng hindi niya alam kung sino, mas pinili niyang ngumiti kaysa umiyak. Pero ang damdamin ay halos sumabog sa saya na kanyang nararamdaman. Nang tawagin siya para magbigay ng mensahe bilang kinatawan ng kanilang batch, tumayo siyang nanginginig at may hawak na maliit na papel. Tumahimik ang buong covered court habang siya'y nagsimulang magsalita. Hindi niya binanggit ang mga medalya, hindi rin niya pinasalamatan agad ang mga opisyal. Sa halip, nauna niyang sinabi ang, “Hindi po ako dapat narito. Pero may isang taong naniwala sa akin kahit kailanman hindi ko kayang maniwala sa sarili ko na makakaya ko ito.”
Pinagpatuloy niya ang kanyang talumpati sa nanginginig na tinig, habang halos lahat sa paligid ay nagsimula nang lumuha. “May guro po ako na hindi napapansin ng karamihan, hindi nagpapasikat at ayaw niyang ipagsabi na siya ay may pusong handang tumulong. Pero sa bawat palihim na abot niya ng tulong, isang pangarap ang nabubuhay.” Huminto siya saglit at pinahid ang luha, sabay sabing, “Sir, alam ko pong ayaw ninyo ng papuri o pagpapasikat. Pero kung hindi dahil sa inyo, baka isa lang akong batang nawala sa landas na kinatatayuan ko ngayon.” Biglang tumayo si G. Burian mula sa kanyang upuan, pilit pinipigilan ang emosyon. Ngunit kahit siya'y di na rin nakatiis, at lumabas ng gym upang itago ang masaganang luha sa kanyang mga mata.
Ang buong klase ay tila napako sa katahimikan, habang ang mga guro ay nagtinginan sa isa’t isa na may bahid ng pagkakaintindi sa nangyari. Marami sa kanila ang ngayon lamang naunawaan ang lalim ng pagkatao ni G. Burian. Hindi siya ang tipo ng gurong mahilig sa award o pagkilala. Sa halip, tahimik siyang nagtatanim ng kabutihan sa puso ng mga estudyante. At ngayon, sa harap ng lahat, isang bunga ang kanilang nasaksihan. Si Gary—ang dating batang walang makain, ngayo’y inspirasyon ng buong paaralan. Hindi dahil sa talino lang, kundi dahil sa pusong puno ng pasasalamat. Sa likod ng kanyang tagumpay, may isang gurong di kailanman humingi ng palakpakan.
Pagkatapos ng seremonya, walang sinumang umuwi na tuyo ang kanyang mga mata. Kahit ang principal ng school ay lumapit kay G. Burian at sabay sabing, “Hindi mo man sinasabi sa amin, pero ngayon nakita naming lahat ang iyong kabutihan.” Ngumiti lang si Sir, at saka sinabing, “Hindi naman para sa akin ‘to Maam.” Sabay tinapik ang balikat ni Gary na kanina pa umiiyak at sabing, “Para sa mga gaya niya ang dahilan kung bakit ako nagtuturo.” At saka na sila nagkahiwa-hiwalay pauwi. Habang naglalakad silang dalawang mag-ina pauwi, Nakita nila si Sir sa kanyang lumang motor, may katahimikan ngunit punong-puno ng damdamin. Wala mang magarbong parangal, may isang kwento ng tagumpay na hindi kailanman mabubura. Kwento ng isang batang punung-puno ng pangarap, at ng isang gurong tahimik na bayani. Sa mundong puno ng pasikatan at likes, pinatunayan nilang ang tunay na kabutihan ay ginagawa nang walang camera. At iyon ang aral na hindi kailanman matutumbasan ng anumang diploma.
~Sir Alos TV
No comments:
Post a Comment