Ads

ads

Friday, May 23, 2025

Rena: Bitbit ang Anak, Bitbit ang Pangarap

Sa Likod ng Diploma: Kuwento ng Pagbangon ni Rena


Sa isang maliit at liblib na barangay sa gitna ng kabundukan, namuhay si Rena kasama ang kaniyang ina na labandera at ama na isang magsasaka. Sa murang edad ay nasanay na siya sa gutom, sa lamig ng gabi na walang kumot, at sa init ng araw na walang silong habang naglalakad patungong paaralan. Lumaking responsable si Rena, madalas siyang mag-alaga ng mga kapatid habang ang mga magulang ay abala sa paghahanapbuhay. Ngunit sa kabila ng kahirapan, mataas ang kaniyang pangarap—maging guro balang araw. Subalit nang dumating ang matinding tagtuyot, nawalan ng kita ang kaniyang ama, at tuluyang huminto si Rena sa pag-aaral. Napilitan siyang lumuwas ng Maynila upang makipagsapalaran at makatulong sa pamilya. Doon ay nagtrabaho siya bilang kasambahay at minsan ay nagtitinda ng balut sa gabi. Sa murang edad, siya’y naging biktima ng panlilinlang at napasok sa isang relasyong hindi niya ganap na nauunawaan. At sa isang iglap, tuluyan nang nagbago ang kaniyang mundo.

Nabuntis si Rena sa edad na labing-anim, isang pangyayaring ikinagulat at ikinahiya ng kanilang pamilya. Sa mata ng kanyang mga kapitbahay, siya ay isang huwarang kabataang naligaw ng landas. Ang dating batang masigla at punong-puno ng pag-asa ay naging tahimik at laging nakayuko. Hindi niya alam kung paano haharapin ang kinabukasan, ngunit mas lalo siyang naguluhan sa pag-ibig na nauwi sa hiwalayan. Walang ibang mapuntahan, umuwi siya sa kanilang probinsya habang pasan ang bigat ng kahihiyan. Sa pag-uwi, dala-dala niya ang sanggol na bunga ng mapait na karanasan, ngunit pagmamahal ang nangingibabaw sa kaniyang puso. Pinilit niyang bumangon muli, kahit na paulit-ulit siyang iniwasan at hinusgahan ng mga tao sa paligid. Para sa kanya, ang anak niya ay hindi kahihiyan kundi isang paalala ng pangakong kailangang tuparin. Muling nabuhay ang pagnanais niyang makapagtapos—ngayon ay hindi lamang para sa sarili, kundi para sa batang umaasa sa kanya.

Isang araw, buong tapang siyang pumunta sa paaralan upang humingi ng pagkakataong makabalik. Nagulat ang principal, ngunit mas lalong humanga sa determinasyon ni Rena na magpatuloy sa kabila ng kanyang sitwasyon. Bitbit ang anak sa likod ng eskwelahan tuwing klase, pinapadede habang nagbabasa ng libro, at palaging may dalang lampin at notebook sa bag. Madalas ay puyat siya sa gabi sa pag-aalaga, pero hindi niya ginagawang dahilan upang hindi pumasok. Naging inspirasyon siya sa ibang mag-aaral, pati na rin sa mga guro na unti-unting naantig sa kanyang dedikasyon. Lahat ng proyekto ay pinagpapaguran, lahat ng pagsusulit ay pinagpapawisan, at lahat ng araw ay pinupuno ng dasal. Siya rin ay naging aktibo sa mga gawain ng paaralan, dala ang anak kahit sa mga outreach program at seminar. Mas naging matatag si Rena habang lumilipas ang mga buwan, at bawat hakbang ay patungo sa pangarap. Sa kabila ng mabigat na responsibilidad bilang isang ina, naging modelo siya ng pagsisikap at pagpupunyagi. At hindi nagtagal, unti-unting nabuo muli ang kaniyang tiwala sa sarili.

Sa huling taon ng kaniyang senior high school, si Rena ay umani ng maraming matataas na parangal. Hindi naging madali ang lahat—may araw na wala siyang pamasahe, at may mga pagkakataong siya’y humihiram ng notebook sa kaklase. Ngunit hindi niya ginawang hadlang ang kakulangan sa materyal na bagay upang matuto. Araw-araw, dala niya ang anak na tila naging bahagi na rin ng kanilang silid-aralan. Ang mga guro ay salit-salit sa pag-alaga sa sanggol upang makasagot si Rena sa pagsusulit. Minsan ay napapaiyak na lamang siya sa isang tabi, ngunit muling tumatayo at ngumingiti para sa anak. Natutunan niyang maging matatag, maging matalino, at higit sa lahat, maging mapagmahal sa kabila ng pagsubok. Wala sa kanyang vocabulary ang salitang “suko,” dahil para sa kanya, ang bawat araw sa paaralan ay isang tagumpay. Isa siyang patunay na ang edukasyon ay hindi nasusukat sa edad o estado sa buhay. Sa halip, ito ay bunga ng tapang, pagmamahal, at pananampalataya.

Dumating ang araw ng pagtatapos. Nakaputi si Rena, may sablay sa balikat, at isang maliit na batang nakaupo sa kandungan habang pinakikinggan ang programa. Tahimik siyang nakaupo, ngunit sa loob-loob niya ay bumabalik ang lahat ng hirap at luha. Nang tawagin ang kaniyang pangalan bilang May Pinakamataas na Karangalan, lahat ay napatingin at napapalakpak. Unti-unting tumayo si Rena, bitbit ang anak, at tumulo ang luha habang tinatanggap ang medalya. Umakyat siya sa entablado hindi bilang isang estudyante lamang, kundi bilang isang ina, isang mandirigma, at isang bayani. Hawak ang mikropono, nilingon niya ang kanyang mga guro at kaklase. Ramdam sa bawat salita ang kabigat ng pinagdaanan. Lahat ay napatahimik—tila kahit ang hangin ay huminto upang makinig sa kanyang puso. At doon nagsimula ang kaniyang talumpati.

"Magandang araw po sa inyong lahat—sa ating butihing punong-guro, sa mga guro na nagsilbing gabay at ilaw, sa aking mga kamag-aral, at higit sa lahat, sa ating mga magulang na kahit papaano ay nagsakripisyo para marating natin ang araw na ito.

“Akala ko po, tapos na ang lahat nang ako’y nabuntis at iniwan,” ang panimulang linya ko habang nanginginig ang boses. “Pero hindi ko po piniling sumuko, dahil may isang munting nilalang na araw-araw na nagpapaalala sa akin kung bakit ko kailangang lumaban.” Humagulhol ang ilan sa mga guro at magulang sa paligid habang tuloy-tuloy akong nagsasalita. “Walang mas masakit pa po kaysa sa paghusgahan ng lipunan dahil sa pagkakamaling hindi mo lubos na naiintindihan.” Ngunit hindi ko po inilihim ang nangyari sa akin—ginawa ko po itong dahilan para bumangon at umangat. “Sa lahat po ng tumulong sa akin—mga guro, mga kaklase, at sa paaralan—maraming salamat. Hindi niyo alam kung paano niyo binuo muli ang isang wasak na pangarap.” Ang bawat araw na ako'y pinili ninyong unawain ay araw na nadagdagan ang tibay ko. Hindi po biro ang magdala ng anak sa eskwela habang hawak din ang lapis at papel. Ngunit heto po ako ngayon, hindi lang nagtapos—kundi nangunguna pa.

Lumuwas po ako noon sa Maynila dala ang pag-asang makakaahon. Pero ang kinasadlakan ko ay mas malalim pang butas ng kahirapan. Mula sa pagiging estudyante, naging kasambahay, naging tindera sa kalsada, naging ina. Sa murang edad, natutunan kong magpakahinog dahil hindi na ako ang una kong iniisip—kundi ang anak kong walang ibang sasandalan kundi ako. Gabi-gabi akong umiiyak habang pinapatulog ko siya sa sahig ng inuupahan naming kwarto. Isinumpa ko sa sarili ko, babalik ako sa eskwela. Kakapit sa kahit anong pag-asa, makabalik lang. Kaya nang makabalik ako sa aming baryo, sinimulan kong tuparin ang pangakong iyon, bitbit ang anak ko.

Bawat araw sa eskwelahan ay isang laban. Habang ang mga kaklase ko ay mga notebook ang bitbit, ako po ay may kasamang lampin, gatas, at yakap ng anak ko. Napakabigat pong maging ina at estudyante sa iisang katawan. Pero sa bawat pagod, may dahilan akong ngumiti—ang munting boses na bubulong ng “Mama” habang ako'y nagsusulat ng aralin. Walang yaya, walang baon, walang bagong uniporme—pero may matatag na paninindigan. Marami pong sandaling gusto ko nang tumigil. Pero sa tuwing makikita ko ang ngiti ng anak ko, sinasabi ng puso ko, “Laban, Rena.” Hanggang sa unti-unti, nakita kong may liwanag pa pala sa dulo. Hindi pala ako isinuko ng mundo. Pinanday lang ako ng panahon.

At ngayon, narito po ako sa inyong harapan. Isang batang ina. Isang estudyanteng minsang itinakwil ng pagkakataon, pero piniling bumangon. Hindi ko po ito pinangarap para lang sa akin. Pinangarap ko ito para sa anak kong si Eli, na ngayon ay nakaupo sa harap at hawak-hawak ang luma niyang laruan. Gusto kong makita niyang kahit may pagkakamali ang ina niya, may karapatang mangarap at magtagumpay. Gusto kong paglaki niya, marinig niya ang kwento ko at sabihin niyang, “Ang nanay ko, bayani ko.”

Sa aking mga guro, salamat po. Lalo na kay Gng. Salceda—kayo po ang unang tumingin sa akin na may pag-asa, hindi panghuhusga. Sa bawat lihim na abot ng gatas, yakap, at pang-unawa, hindi ko po makakalimutan ang kabutihan ninyo. Sa mga kaklase kong tinanggap ako, kahit may dalang sanggol, maraming salamat. Sa aking ina at ama, alam kong masakit ang nangyari, pero salamat po sa pagtanggap. Hindi ko po pinangarap ito, pero tinanggap ko. At ngayon, pinagsisikapan kong bumawi.

Ang medalya pong ito, ang diploma pong ito—hindi lang po para sa akin. Ito po ay para sa lahat ng inang bumangon, para sa mga anak na naging inspirasyon, at para sa mga taong naniwalang hindi pa huli ang lahat.
At sa huli, gusto kong sabihin… “Anak, ito ang unang medalya natin. Hindi ito huli.”
“Ang diploma pong ito ay hindi lang para sa akin, kundi para sa anak kong matututo ring mangarap balang araw.”

Maraming salamat po, at mabuhay ang bawat pusong lumalaban!"

Tumayo ang buong audience at sabay-sabay na nagpalakpakan. Lumapit ang principal at niyakap si Rena ng mahigpit, habang ang anak niya ay ngumiti at kumaway sa mga tao. Marami ang lumapit sa kanya upang bumati, at halos lahat ay umiiyak pa rin sa matinding emosyon. Mula sa pagiging tampulan ng tsismis, ngayon siya ay naging huwarang kabataan. Hindi naging madali ang lahat, ngunit ang kanyang tagumpay ay isang paalala na hindi hadlang ang kahapon sa pag-abot ng bukas. Uuwi siya sa kanilang tahanan, hindi na lamang bilang si Rena na dating naligaw, kundi bilang Rena na naging ilaw para sa marami. Ang kanyang kwento ay muling uukit ng pag-asa sa mga tulad niyang minsang nawala sa landas. Sa bawat yapak niya palabas ng entablado, dala niya ang dignidad at karangalang pinaghirapan. At sa kanyang mga mata, makikita ang sinag ng isang inang muling bumangon at nagtagumpay.


~Sir Alos TV

Sunday, May 4, 2025

Angelou at Anie: Magkaibigan at Magkakompetensya

 Ang Pagkakaibigan nina Angelou at Anie: Isang Kuwento ng Pagkatalo at Pagkakasundo

Si Angelou at si Anie ay matalik na magkaibigan mula pa noong bata pa sila. Magkasama sila sa lahat ng bagay—mula sa paglalaro sa bakuran, hanggang sa magkasama silang nagsusumikap sa kanilang mga aralin. Ang kanilang pagkakaibigan ay tulad ng isang masiglang umaga, puno ng tawanan at pangarap na magkasama nilang inaabot. Sa kanilang paaralan, madalas silang tinuturing na hindi matitinag na magkakaibigan. Kambal Tuko ika nga. Walang makakahadlang sa kanilang samahan, hanggang sa dumating ang isang malaking pagsubok: ang top rank sa kanilang klase.

Magkahalong saya at kaba ang nararamdaman nina Angelou at Anie nang malaman nilang kasama sila sa pinakamataas na ranggo sa kanilang paaralan. Bagama't hindi nila inaasahan, tila nakasanayan na nilang maging paligsahan ang bawat pagsusulit at proyekto. Ang kanilang mga magulang, guro, at maging ang mga kaklase ay hindi nakaligtas sa pagsasanay ng mata sa mata, dahil alam nilang dalawa ang may pinakamalaking pagkakataon sa pagiging top ranker. Sa kanilang dalawa ng pwedeng magkaroon ng pagkakataon sa pinakamataas. 

Hindi nila namalayan na sa bawat hakbang nilang lumalapit sa tagumpay, ay tila mga hakbang din na unti-unti nilang nawawala ang tunay na dahilan ng kanilang pagkakaibigan. Pinili ni Angelou na mag-aral ng mas mahirap mag - isa, magpuyat sa paggawa ng mga proyekto, at palaging tumaas ang score sa pagsusulit. Sa kabilang banda, si Anie naman ay nagpatuloy sa kanyang mga pangarap ngunit nagiging masyadong abala sa kanyang pagsusumikap upang mahigitan pa si Angelou. Laging naiisip ni Anie na kung patuloy niyang papatatagin ang lahat ng lakas at talinol para makuha ang top spot, magiging mas proud ang kanyang mga magulang sa kanya, at wala nang makakatalo pa sa kanya kahit na sino.

Habang lumalalim ang kompetisyon, nagiging matindi ang tensyon sa kanilang pagitan. Hindi na sila nakakapag-usap ng maayos tulad ng dati. Si Angelou ay nagagalit tuwing tinatanong siya ni Anie kung paano siya mag-aaral, at si Anie naman ay nawalan na ng tiwala kay Angelou, pakiramdam niya ay hindi ito nagiging tapat sa kanya. Ang mga dating kwentuhan at pagtulong sa isa’t isa ay napalitan ng pag-iwas at inggit. Di na sila nagkikibuan tulad ng dati nilang masayang ginagawa.

Isang hapon, pagkatapos ng isang mahirap na pagsusulit, nagkita sina Angelou at Anie sa kanilang paboritong tambayan sa ilalim ng isang malaking puno sa harap ng paaralan sa may study shed. Hindi nila iniiwasan ang isa't isa, ngunit ang hindi maikakailang tensyon sa kanilang pagitan ay nagbigay ng bigat sa bawat hakbang.

"Angelou, bakit parang hindi mo na ako tinutulungan ngayon?" tanong ni Anie, ang tinig ay may halong hinagpis at galit. "Bakit tila ikaw na lang ang importante sa ating dalawa? Hindi ko na alam kung anong nangyayari sa’yo! Parang di na ikaw yung kaibigan ko."

Si Angelou ay napailing, ang mata niya ay nag-aalab sa galit. "Anie, paano kita matutulungan kung ikaw mismo hindi mo ako tinutulungan? Lagi ka na lang may sariling mundo! Lahat na lang ng pagkakataon, parang ikaw lang ang may mga pangarap! Wala ka ng sinasabi sa akin at di ka na nagkikwento sa akin."

Ang mga salitang iyon ay parang mga tinik na tumusok sa puso ni Anie. Mabilis siyang napaluha. "Ipinaglalaban ko lang ang sarili ko! Kung hindi ko pipilitin, baka hindi ako mapansin, baka hindi ako magtagumpay!" Ang tinig ni Anie ay napuno ng hinagpis. "Pati ikaw, parang wala na akong silbi sa buhay mo. Wala na akong kwenta sa iyo."

Hindi nakapagsalita si Angelou, ngunit sa kabila ng lahat, naramdaman niyang may mga pagkukulang siya sa kanilang samahan. Hindi na siya sigurado kung ano ang mas masakit—ang maramdaman na tinatalikuran siya ng matalik na kaibigan, o ang makita si Anie na tila unti-unting nawawala sa kanyang buhay. Naguguluhan siya sa nangyayari. Tila sa pag - abot ng pangarap, isang kaibigan ang mawawala.

"Anie, hindi ko naman sinasadyang maging ganitos ating pagkakaibigan," sagot ni Angelou, ngunit ang tinig niya ay parang mahina at malungkot. "Nais ko lang din naman maging matagumpay, pero hindi ko naisip na sa bawat hakbang ko, nasasaktan kita. Nawawala ka sa akin. Lumalayo ka sa akin."

"Hindi ko na kaya," sagot ni Anie, ang luha ay dumaloy mula sa kanyang mata. "Wala na akong natutunan mula sa'yo. Bawat hakbang ko na lang parang sinusundan kita, pero iniwasan mo ako. Ayokong maging anino mo lang. May sarili akong pagkatao."

Sa mga salitang iyon, naglalabas ng matinding galit at sakit sina Angelou at Anie. Hindi na nila napigilang magtalo. Ang hindi nila alam ay pareho nilang nararamdaman ang pagka-frustrate at ang matinding kalungkutan. Pareho nilang nararamdaman na nag-iisa sila, at sa gitna ng matinding kompetisyon, nawawala ang tunay na halaga ng kanilang pagkakaibigan. Nasira ang kanilang pagkakaibigan.

Isang araw, dumating ang araw ng card day—ang araw ng pagpapahayag ng top rank. Magkahiwalay silang dumaan sa stage para sa award, ngunit si Angelou ay naunang tinawag bilang top 1, at si Anie naman ay nauurong sa pangalawang pwesto. Ang pinakahihintay na tagumpay ni Anie ay nagbigay sa kanya ng hindi inaasahang walang kapantay na sakit. Wala siyang nararamdamang tuwa. Sa halip, natagpuan niya ang sarili na tumatango lamang habang tumataas ang kamay ni Angelou upang tanggapin ang parangal. Sa mga sandaling iyon, ang kanilang matibay na pagkakaibigan ay naglaho sa loob ng kanilang mga puso. 

Lumipas ang mga linggo at ang dating matalik na magkaibigan ay naging magkaibang mundo. Walang nagsasalita sa isa’t isa, at parehong nilakaran nila ang kanilang mga pangarap na mag-isa. Ngunit habang naglalakad, napansin ni Angelou na kahit siya ang top rank, may mga bagay na wala siyang kagalakan. Hindi siya masaya sa kanyang tagumpay nang walang kasamang kaibigan. May nararamdaman siyang kulang sa kanyang puso. May nawawalana bahagi sa kanyang buhay.

Naramdaman din ni Anie ang parehong kalungkutan. Hindi siya makapagdiwang ng buo sa mga tagumpay niya dahil sa pagkatalo at paglaho ng kanilang pagkakaibigan. Ang sakit ng puso at ang pagkawala ng kanilang samahan ay nagpapabigat sa kanyang puso. Isang araw, naglakad si Anie patungo sa bahay ni Angelou, siya ay hihingi na ng tawad at nagpasya na makipag-ayos. Nakita ni Angelou si Anie at nakaramdam siya ng sama ng loob, ngunit naisip niya na mahalaga pa rin ang kanilang pagkakaibigan. Kaya't nagpasya siyang makinig kay Anie.

"Pasensya ka na, Angelou," ang mga salitang lumabas sa bibig ni Anie. "Hindi ko inisip na magiging ganito ang kalalabasan ng pag - uugali ko. Nais ko lang talagang makuha ang pangarap ko, ngunit nakalimutan ko na mas mahalaga pa ang pagkakaibigan natin higit sa kung ano man."

"Tama ka, Anie" sagot ni Angelou. "Hindi ko rin naisip na sa lahat ng pagnanais ko, nakalimutan ko ang tunay na halaga ng pagkakaibigan natin. Miss na miss na kita. Miss ko na yung bestfriend ko."

Nang marinig ito ni Anie, humingi siya ng tawad. "Hindi ko na nais na magpatuloy ang lamat sa pagitan natin. Hindi ko na sana pinansin ang ranggo. Ang gusto ko lang ay makita ka na masaya. Yung masaya tayo sa ating naabot."

Sa kanilang pag-uusap, muling nabuhay ang mga alaala ng kanilang magkasamang paglalaro at pagtutulungan sa isa’t isa. Ang kanilang puso ay napuno ng kaligayahan, at natutunan nilang balikan ang kanilang mga pangarap, hindi sa pamamagitan ng kompetisyon, kundi sa pamamagitan ng pagtutulungan. Dahan-dahan nilang pinagsama ang kanilang mga lakas at nagsimulang mag-aral muli, ngunit ngayon ay hindi na sila naglalaban—sama-sama nilang itinaguyod ang kanilang pangarap.

Sa pagtatapos ng taon, hindi lamang sila naging matagumpay sa kanilang mga layunin, kundi natutunan nilang mas mahalaga pa ang pagkakaibigan kaysa sa anumang ranggo. Si Angelou at si Anie ay muling naging magkaibigan at nagsumpa na magtutulungan sila sa lahat ng aspeto ng buhay, magkasama hanggang sa pagtatapos ng kanilang mga pangarap. Sa kanilang puso, natutunan nila na sa mundo ng kompetisyon, ang tunay na tagumpay ay hindi nasusukat sa ranggo, kundi sa pagpapatawad, pagtutulungan, at pagkakaibigan.


~Sir Alos TV

Brian: Ang Kinatatakutan ng Paaralan

 “Brian, Ang Naghahari-harian.”

Sa isang malabundok na baryo sa lalawigan ng Pangasinan, naninirahan si Brian, isang senior high school student na tila ba nilamon ng pait ng buhay at kahirapan. Sa araw-araw, kasamang bumabangon ni Brian ang kanyang mga magulang upang makipagtanim ng palay sa mga bukirin ng iba at makikibilad ng mga aning butil para may kaunting kita. Hindi sapat ang kanilang kinikita para makakain ng tatlong beses sa isang araw, at madalas ay asin at kanin lang ang laman ng kanilang hapag. Wala silang sariling lupa, ni isang kapirasong palayan, at ang tanging pag-asa ng pamilya ay ang kinabukasan ni Brian sa edukasyon. Ngunit tila malayo iyon sa kasalukuyang asal ni Brian na taliwas sa kanyang mga pangarap at sa dasal ng kanyang mga magulang. Sa halip na magsikap sa pag-aaral, naging mayabang siya at pasimuno ng kaguluhan sa kanilang paaralan. Bully siya sa kanyang mga kaklase, laging nananakot, at walang pakialam sa damdamin ng iba. Napabilang pa siya sa isang gang sa kanilang lugar, kung saan natutunan niyang manigarilyo, mag-inom, at makipagbasag-ulo. Minsan pa nga ay nasangkot siya sa kaso ng pagnanakaw ng kambing, na muntik nang ikabilanggo ng kanyang pamilya.

Sa eskwelahan, hindi na bago ang pangalan ni Brian sa guidance office at sa talaan ng mga pinapatawag ng principal. Paulit-ulit siyang dinadalhan ng sulat na nagpapapirma sa kanyang mga magulang dahil sa mga reklamo mula sa mga guro at estudyante. Minsan ay binato raw niya ng ballpen ang kaklaseng tahimik lang na sumagot sa recitation; minsan nama’y sinadyang itulak ang isang estudyanteng may kapansanan sa paningin. Para kay Brian, ang pagiging siga ay sandata laban sa mundo, isang kalasag para hindi makita ng iba ang kanyang kahinaan at pagkagutom sa pagmamahal. Tuwing gabi, habang abala ang kanyang mga magulang sa pagbibilad ng palay kahit sa dilim, si Brian ay napapaaway sa kanto kasama ang kanyang grupo. Tila wala na siyang pakialam sa kinabukasan, basta’t nararamdaman niya ang lakas at respeto mula sa kanyang barkada. Paulit-ulit man siyang pinagsasabihan ng kanyang ina, lagi lang siyang pasigaw na sumasagot at nagsasara ng pinto habang isinasara rin ang kanyang puso sa katotohanan.

Isang araw, pumasok sa eksena si G. Felics, ang bagong adviser ng Grade 12 section ni Brian—isang lalaking tahimik ngunit may matalim na paningin na tila nakakabasa ng kaluluwa. Hindi sanay si Brian sa mga guro na hindi agad sumusuko sa kanya, kaya’t noong unang araw pa lang ay sinubukan na niyang takutin at hamunin si G. Felics sa loob ng silid-aralan. Ngunit sa halip na matakot, tiningnan lang siya ng guro nang diretso sa mata at sinabing, "Hindi ako natatakot sa galit mo, Brian. Mas natatakot ako sa kung anong mangyayari sa’yo kung patuloy kang magiging ganito." Doon nagsimulang magbago ang ihip ng hangin sa mundo ni Brian. Sa bawat araw na lumilipas, hindi siya tinitigilan ni G. Felics sa pag-aabot ng mensahe ng pag-asa, kahit na binabato siya ng masasakit na salita. Imbis na isumbong siya, kinakausap siya. Imbis na pandirihan, inuunawa siya.

Hindi maintindihan ni Brian kung bakit may isang taong kayang tiisin ang kanyang kabastusan, gayong wala namang dahilan para mahalin siya. Dumating ang isang hapon kung saan bigla siyang iniwan ng kanyang grupo matapos siyang gulpihin ng mga kalaban nilang gang mula sa kabilang barangay. Habang duguan siyang umuuwi, saksi ang buwan sa kanyang pag-iyak—ang unang pag-iyak niya matapos ang ilang taon. Sa di inaasahang pagkakataon, nadaanan siya ni G. Felics habang pauwi rin, at walang pag-aalinlangang dinala siya sa ospital, pinahiram ng pera, at tinawag pa ang kanyang nanay. Sa silid ng ospital, habang may benda sa noo at pasa sa katawan, nakita ni Brian ang kanyang ina na walang tigil sa pagluha, hawak ang kanyang kamay at paulit-ulit na humihingi ng tawad dahil sa hindi niya maibigay ang magandang buhay. Sa unang pagkakataon, naramdaman ni Brian ang isang kakaibang sakit sa puso, hindi dahil sa bugbog, kundi dahil sa guilt at hiya sa kanyang mga magulang.

Pagkatapos ng insidenteng iyon, hindi na muling pumasok si Brian sa eskwelahan nang may yabang sa katawan. Tahimik siyang nakaupo sa kanyang upuan, pinakikinggan si G. Felics, at sa wakas ay unti-unting binubuksan ang kanyang damdamin sa pamamagitan ng pagsusulat sa isang maliit na notebook na bigay ng kanyang guro. Doon niya inilalabas ang kanyang mga kwento ng gutom, pangarap, at galit sa mundo—at iyon ay araw-araw binabasa ni G. Felics at sinasagutan ng maikling liham na puno ng pag-unawa. Sa bawat sagot ni G. Felics ay tila unti-unting gumagaling ang sugat sa puso ni Brian. Nagsimula siyang tumulong sa silid-aralan, humihingi ng tawad sa mga kaklaseng nasaktan niya noon, at unti-unting lumalapit sa tunay na pagkakaibigan. Nalaman niyang hindi siya tunay na masama—ginawa lang siyang mapang-api ng mundong tila ayaw sa kanya.

Dahil sa patuloy na pangungulit ni G. Felics, napilitang pumasok si Brian sa isang outreach activity ng kanilang klase sa isang liblib na barangay. Doon niya unang naranasan ang tumulong sa kapwa nang walang kapalit. Nakita niya ang mga batang mas masahol pa ang kalagayan sa kanya—may mga walang tsinelas, may gutom at may karamdaman. Habang binibigyan nila ng pagkain ang mga bata, tahimik lang si Brian sa sulok. Hindi niya maipaliwanag ang bigat sa dibdib habang pinagmamasdan ang pasasalamat sa mga mata ng mga bata. Sa unang pagkakataon, hindi yabang o lakas ang naramdaman niya—kundi hiya sa sarili. Naisip niyang, paano kung siya rin pala ay pinanganak sa mas masahol pang kalagayan? Sa gabing iyon, hindi siya nakatulog sa dami ng tanong sa kanyang isipan.

Hindi na nawala sa isip niya ang mga ngiting nakita niya noong araw ng outreach. Araw-araw na siyang tahimik sa klase, at kahit paminsan-minsan ay nauupo siya sa harapan para marinig nang maayos ang turo ni G. Felics. Nagtaka ang buong klase sa biglaang pagbabago niya. Si Brian na dating siga at bastos, ngayo’y tahimik at tila laging nag-iisip. Isang araw, kinausap siya ni G. Felics at sinabing, “Brian, hindi pa huli ang lahat. Pwede kang maging mabuting tao. Hindi ka kung ano ang nakaraan mo, kundi kung anong pipiliin mong gawin ngayon.” Sa pagkakataong iyon, napaluha si Brian. Ngayon lang may nagsabi sa kanya ng ganoon—may taong naniniwala sa kanya, kahit ang buong mundo ay suko na.

Isang linggo makalipas, bigla siyang nagprisinta bilang lider ng isang group project. Hindi makapaniwala ang buong klase. Hindi na siya nananakot, kundi nakikiusap. Siya mismo ang gumawa ng mga bahagi sa project na dati ay tinatakbuhan niya. At noong araw ng presentasyon, tumayo siya sa harap ng klase at nagsalita nang maayos. Pagkatapos ng lahat, palakpakan ang mga kaklase niya. Hindi dahil magaling siya, kundi dahil alam nilang iyon ay bunga ng pagsusumikap. Sa likod ng classroom, nakatayo si G. Felics—nakangiti, at may bahagyang luha sa mata. Unti-unting nabubuo ang batang minsang winasak ng hirap, at ngayo’y unti-unti ring niyayakap ng pag-asa.

Dumaan ang buwan at dumating ang araw ng recognition. Laking gulat ng lahat nang banggitin ng punong-guro ang pangalan ni Brian bilang tumanggap ng special award: Pagbabago at Pag-asa Award. Sa entablado, habang kinikilala siya, hindi niya mapigilan ang pagluha habang nakatingin kay G. Felics at sa kanyang mga magulang na nakasuot pa rin ng damit na may amoy palay. Sa gitna ng palakpakan, nakita ng buong paaralan ang pagbagsak ng pader ng kayabangan sa puso ni Brian. Yumakap siya sa kanyang guro at humagulgol, sinabing, “Salamat po, Sir… kung hindi dahil sa inyo, baka wala na ako ngayon.” Iyon ang kauna-unahang beses na nakita si Brian sa harapan—hindi bilang siga, kundi bilang isang batang uhaw sa gabay at pagmamahal.

Ngayon, si Brian ay patuloy pa ring humaharap sa mga pagsubok ng buhay, ngunit hindi na siya nag-iisa. Nagpapatuloy siya sa pag-aaral, nagsisikap makapasa sa lahat ng asignatura, at tumutulong sa kanyang pamilya tuwing wala siyang klase. Hindi pa man siya ganap na perpekto, pero ang kanyang puso ay muling nabuhay sa liwanag ng pag-asa. Nagboluntaryo pa siya bilang peer mentor sa kanilang eskwelahan, upang tulungan ang ibang kabataang katulad niyang naliligaw ng landas. Malayo man ang nilakad ng kanyang pagbabago, araw-araw ay pinipili niyang huwag nang bumalik sa dilim. Tuwing tinitingnan niya ang kanyang dating sarili, naluluha siya sa pag-alala sa batang Brian—pero ngayo’y masaya siya na pinili niyang bumangon at magbago.

Ang istorya ni Brian ay hindi kathang-isip kundi representasyon ng daan-daang kabataang Pilipino na ang pagkakasala ay hiyaw lamang ng pusong sugatan. Sa mga magulang, guro, at tagapayo, nawa'y makita natin sa bawat mapang-asar na ngiti o mapanghamong titig ng bata, ang hinaing ng kaluluwa nilang naghahanap ng pag-unawa. Kay G. Felics, maraming salamat sa pagpili ng pagmamahal kaysa galit, ng pag-unawa kaysa parusa, at ng pag-asa kaysa pagkakait. Dahil sa mga guro na tulad mo, maraming buhay ang muling nabubuo. At sa huli, si Brian ay hindi lang isang estudyante—siya ay naging simbolo ng muling pagbangon, ng pagbabagong nag-ugat sa isang simpleng paniniwala.



~Sir Alos TV

Saturday, May 3, 2025

Gary: Hindi Ako Dapat Narito ~ Isang Talumpati ng Pasasalamat

 Gary: Isang Kuwento ng Sakripisyo at Walang Halong Pasikat na Kabutihan


Sa isang liblib at malabundok na baryo sa malayong lugar, may isang batang lalaki na nagngangalang Gary na labis na nagsusumikap upang makapagtapos ng pag-aaral. Siya ay isang Senior High School student na araw-araw ay naglalakad ng halos limang kilometro para lamang makarating sa paaralan. Sa tuwing umuulan, basang-basa ang kanyang mga paa ngunit hindi ito naging hadlang upang magpatuloy. Ang pamilya ni Gary ay salat sa yaman at salat din sa pagkakataon. Ang kanyang ama ay isang mangingisdang umaasa lamang sa swerte ng laot, habang ang kanyang ina naman ay labandera kung kailan lang may nagpapalaba sa kanilang lugar. Walang permanenteng hanapbuhay ang mga ito kaya’t madalas ay lugmok sila sa gutom at pangungutang. Ngunit sa kabila ng lahat ng ito, ang puso ni Gary ay puno ng pag-asa at pangarap. Nagsusumikap siyang mag-aral ng mabuti  hindi para sa sarili lang, kundi para maiahon ang kanyang pamilya sa kahirapan. Hindi siya nawawalan ng gana dahil sa inspirasyong hatid ng isang taong di inaasahan.

Ang tagapayo nila na si G. Burian ay kilala sa pagiging palabiro at palatawa sa loob ng silid-aralan. Laging may bitbit na banat o hirit si Sir na nagpapagaan ng araw ng mga estudyante, kahit pa matitindi ang mga araling kanilang tinatalakay. Pero sa kabila ng kanyang nakakatawang personalidad, may taglay siyang lalim at malasakit na hindi agad nakikita. Madalas, kapag may estudyanteng wala nang makain o walang pamasahe, tahimik siyang lumalapit upang mag-abot ng tulong. Hindi niya ito ipinagsasabi at hindi rin ito ipinapakita sa maraming tao. Ayon sa kanya, ang tunay na pagtulong ay hindi dapat ipinagmamayabang. Kay Gary, si G. Burian ay naging pangalawang ama—taong handang makinig, umalalay, tumulong, at magbigay-lakas. Marami sa kanilang klase ang walang alam sa mga ginagawang kabutihan ng kanilang guro. Ngunit si Gary, saksi sa bawat palihim na tulong ni Sir sa kanyang pag-aaral.

Isang pagkakataon, si Gary ay hindi nakapasok ng tatlong araw dahil wala na silang bigas at pagkain sa bahay. Nabalitaan ito ni G. Burian at agad siyang bumisita sa bahay ni Gary upang mag-Home Visitation, dala-dala ang ilang supot ng bigas, de lata, at ilang pirasong damit. Wala siyang ibang sinabi kundi, “Sabihin mo na lang, nakiki-birthday ako.”, biro ulit ng guro. Napaluha ang ina ni Gary at halos hindi makapagsalita sa sobrang pasasalamat. Mula noon, lihim na tinulungan ni Sir si Gary sa mga gastusin sa paaralan—pambayad sa ambag sa performance task, uniporme, at minsan pati pamasahe. Hindi ito alam ng iba dahil ayaw ni Sir ng pasikatan. Sinanay niya si Gary na maging matatag, maging mapagpakumbaba, at higit sa lahat, laging tumulong kung may pagkakataon. Sa bawat leksyon sa klase, may kalakip itong aral sa buhay. Kaya’t hindi lamang utak ang nahuhubog kay Gary kundi pati puso.

Lumipas ang mga buwan, at naging masigasig si Gary sa pag-aaral. Naging consistent siya sa honors list at aktibo rin sa mga extracurricular activities sa kabila ng kanyang mahirap na sitwasyon. Hindi siya nagrereklamo, bagkus ay mas lalo siyang nagsusumikap. Madalas ay hapon na kung siya'y kumakain ng tanghalian, pero hinding-hindi niya pinapalampas ang klase. Naging inspirasyon siya sa kanyang mga kaklase, at kahit hindi siya palasalita, ramdam ang kanyang determinasyon. Madalas siyang inaasar sa kanyang sirang sapatos, pero hindi siya nagagalit. Sa halip, siya pa ang unang tumatawa upang di mahalata ang sakit sa kanyang damdamin. Ngunit sa puso niya, tanging isang tao lamang ang tunay na nakakaunawa sa kanyang pinagdaraanan. At iyon ay si G. Burian—ang guro na walang sawang naniniwala sa kanyang kakayahan.

Dumating ang huling taon ng kanilang pag-aaral, at habang papalapit ang graduation, ramdam na ang kaba at pananabik ng bawat estudyante. Ngunit para kay Gary, ito ay parang panaginip pa lamang. Wala silang pera para sa toga, litrato, o kahit simpleng sapatos para sa seremonya. Hindi niya alam kung makakadalo pa siya. Subalit, sa hindi inaasahang pagkakataon, isang sulat ang iniabot sa kanya ng adviser nila. Walang lagda, ngunit nakasaad doon na bayad na ang lahat ng kailangan niya para sa graduation. may nakalakip pang nakasulat lamang: "Magpatuloy ka, anak. Ang mundo'y naghihintay sa'yo." Napaiyak si Gary at alam niyang si G. Burian ang gumawa ng paraan, kahit hindi ito inamin.

Nang sumapit ang araw ng graduation, isa si Gary sa mga may pinakamataas na nakakuha ng karangalan. Suot ang hiniram na sapatos mula sa isang kaklase at togang bayad ng hindi niya alam kung sino, mas pinili niyang ngumiti kaysa umiyak. Pero ang damdamin ay halos sumabog sa saya na kanyang nararamdaman. Nang tawagin siya para magbigay ng mensahe bilang kinatawan ng kanilang batch, tumayo siyang nanginginig at may hawak na maliit na papel. Tumahimik ang buong covered court habang siya'y nagsimulang magsalita. Hindi niya binanggit ang mga medalya, hindi rin niya pinasalamatan agad ang mga opisyal. Sa halip, nauna niyang sinabi ang, “Hindi po ako dapat narito. Pero may isang taong naniwala sa akin kahit kailanman hindi ko kayang maniwala sa sarili ko na makakaya ko ito.”

Pinagpatuloy niya ang kanyang talumpati sa nanginginig na tinig, habang halos lahat sa paligid ay nagsimula nang lumuha. “May guro po ako na hindi napapansin ng karamihan, hindi nagpapasikat at ayaw niyang ipagsabi na siya ay may pusong handang tumulong. Pero sa bawat palihim na abot niya ng tulong, isang pangarap ang nabubuhay.” Huminto siya saglit at pinahid ang luha, sabay sabing, “Sir, alam ko pong ayaw ninyo ng papuri o pagpapasikat. Pero kung hindi dahil sa inyo, baka isa lang akong batang nawala sa landas na kinatatayuan ko ngayon.” Biglang tumayo si G. Burian mula sa kanyang upuan, pilit pinipigilan ang emosyon. Ngunit kahit siya'y di na rin nakatiis, at lumabas ng gym upang itago ang masaganang luha sa kanyang mga mata.

Ang buong klase ay tila napako sa katahimikan, habang ang mga guro ay nagtinginan sa isa’t isa na may bahid ng pagkakaintindi sa nangyari. Marami sa kanila ang ngayon lamang naunawaan ang lalim ng pagkatao ni G. Burian. Hindi siya ang tipo ng gurong mahilig sa award o pagkilala. Sa halip, tahimik siyang nagtatanim ng kabutihan sa puso ng mga estudyante. At ngayon, sa harap ng lahat, isang bunga ang kanilang nasaksihan. Si Gary—ang dating batang walang makain, ngayo’y inspirasyon ng buong paaralan. Hindi dahil sa talino lang, kundi dahil sa pusong puno ng pasasalamat. Sa likod ng kanyang tagumpay, may isang gurong di kailanman humingi ng palakpakan.

Pagkatapos ng seremonya, walang sinumang umuwi na tuyo ang kanyang mga mata. Kahit ang principal ng school ay lumapit kay G. Burian at sabay sabing, “Hindi mo man sinasabi sa amin, pero ngayon nakita naming lahat ang iyong kabutihan.” Ngumiti lang si Sir, at saka sinabing, “Hindi naman para sa akin ‘to Maam.” Sabay tinapik ang balikat ni Gary na kanina pa umiiyak at sabing, “Para sa mga gaya niya ang dahilan kung bakit ako nagtuturo.” At saka na sila nagkahiwa-hiwalay pauwi. Habang naglalakad silang dalawang mag-ina pauwi, Nakita nila si Sir sa kanyang lumang motor, may katahimikan ngunit punong-puno ng damdamin. Wala mang magarbong parangal, may isang kwento ng tagumpay na hindi kailanman mabubura. Kwento ng isang batang punung-puno ng pangarap, at ng isang gurong tahimik na bayani. Sa mundong puno ng pasikatan at likes, pinatunayan nilang ang tunay na kabutihan ay ginagawa nang walang camera. At iyon ang aral na hindi kailanman matutumbasan ng anumang diploma.


~Sir Alos TV

Friday, May 2, 2025

Hanjo: Ang Liham ng Pakiusap sa Guro

 

Liham Para kay G. Nakakapagpabagabag: Isang Hiling Mula sa Estudyanteng Umiiyak sa Katahimikan


51 Sitio Teryong, Cabilocaan,
Dakilang Layon, Pisduahan
Ika - 2 ng Mayo, 2025

Minamahal kong G. Nakakapagpabagabag,

    Ako po si Hanjo, isang estudyanteng tahimik lang ninyong natatanaw sa sulok ng silid-aralan, ngunit ngayon ay buong lakas ng loob na sumusulat ng liham na ito para sa inyo. Sa bawat araw na dumaraan, dala ko po ang mabigat na pasanin ng buhay—isang pasaning tila higit pa sa bigat ng mga librong aking dala. Ang gutom, ang pagod, ang lungkot, at ang kawalang-katiyakan ay naging bahagi na ng aking pang-araw-araw na pagpasok. Wala pong araw na hindi ko naiisip kung kakayanin ko pa ba ang isa pang linggo sa eskwela. Ngunit sa kabila ng lahat, patuloy po akong humahakbang, bitbit ang pangarap at panalangin.

Madalas po akong hindi nakakapagsaing ng agahan. Madalas din po ay naglalakad na lang ako papuntang paaralan dahil wala na pong pamasahe. Kapag dumating ako sa klase, madalas po ay may kalmot ng pagod ang aking katawan. Hindi po ako palakibo, pero ang totoo’y sabik akong matuto at makausad. Sa gitna ng ingay ng silid, ako’y tahimik na lumalaban sa katahimikan ng aking kalagayan.

Sir, alam ko pong maraming estudyante ang mas magaling, mas aktibo, mas mataas ang grado kaysa sa akin. Pero sana po’y huwag ninyong sukatin ang aking pagkatao base lamang sa aking papel na may maling sagot. Ako po ay taong may layunin, may pangarap, at may tunay na dahilan kung bakit pilit kong inaabot ang pagtatapos. Hindi ko po hangad ang perpektong marka. Hangad ko lang po ang maipasa—makatawid, at makaraos sa pag - aaral.

Ngayon pong nalalapit na ang graduation, ako po ay lumalapit sa inyo, hindi bilang estudyanteng naghahabol ng marka, kundi bilang isang anak na may pusong humihiling. Alam ko pong hindi madali ang desisyong ito, at hindi rin po ako humihingi ng pabor. Hiling ko lang po na maunawaan ninyo ang bigat ng sitwasyon ko. Isa pong simpleng pagpasa ay magbibigay sa akin ng bagong simula at sa yumaong ama ko, isang katuparan. Pangarap po kasi ito para akin ng aking tatay.

Ang tatay ko po ay hindi ko na makikita sa araw ng aking pagtatapos. Hindi ko na po makikita ang kanyang palakpak pag tinawag ang ang pangalan ko. Hindi na po niya maisasabit sa akin ang sablay na pinag - ipunan niya upang makabayad ako. Siya po ay nasawi kamakailan matapos masuwag ng kalabaw sa tiyan habang siya ay nag-aalaga sa bukid. Isang napakadilim na araw po iyon sa aming pamilya—walang babala, walang pamamaalam. Hanggang ngayon po, sariwa pa rin sa akin ang tunog ng sigaw ng nanay ko, at ang katahimikan ng kanyang kabaong. Hindi po biro ang mawalan ng haligi ng tahanan, lalo na kung siya rin ang tanging inspirasyon mo sa pag-aaral.

Sir, kung papayagan po ninyo, sana po ay kayo na ang magsabit ng aking sablay. Kayo po ang naging gabay ko sa paaralan, at sa araw ng pagtatapos, nawa'y maging kayo rin ang maging gabay ko sa entablado. Alam kong hindi ninyo kayang punan ang puwang na iniwan ng aking ama, pero sa araw na iyon, sapat na pong maramdaman kong hindi ako nag-iisa. Isang sablay lang po ang simbolo ng tagumpay na para sa kanya ko itinaya.

Hindi ko po ito ginagawa para sa sarili ko lamang. Ito po ay para sa nanay kong nagsusumikap, at para sa tatay kong nasa langit na ngayon. Kung kayo po ang magsasabit ng aking sablay, parang naroon na rin po si Itay. Parang narinig ko na rin ang kanyang palakpak at naramdaman ko na rin ang kanyang yakap. Sa simpleng pabor pong ito, mabubuo muli ang bahagi ng pagkatao kong nadurog sa kanyang pagkawala.

Kayo po, G. Nakakapagpabagabag, ay hindi lamang isang tagapayo sa amin. Kayo po ay naging sandigan, tagapakinig, at minsan ay tagatahimik ng magulong mundo ko. Hindi ko man kayo madalas nakakausap, pero bawat tingin ninyo ng pag-unawa ay sapat nang lakas para sa akin. Kayo po ang dahilan kung bakit patuloy kong pinipilit bumangon kahit gusto ko nang sumuko.

Kung sakali pong mapagbigyan ninyo ang aking liham, nangangako po akong dadalhin ko ang karangalang ito hindi lang para sa sarili kundi para sa lahat ng katulad kong lumalaban sa katahimikan. Huwag po sana ninyo akong tingnan bilang isang pangkaraniwang estudyante, kundi isang batang umaasang may guro pa ring may puso para sa mga tulad ko. Isang batang ang tanging armas ay pangarap at panalangin.

Maraming salamat po, Sir. Sa lahat ng pang-unawa, pagtuturo, at pananahimik ninyo sa tuwing hindi ko masabi ang bigat ng aking nararamdaman—salamat. Sa araw ng aking pagtatapos, sana po ay magtagpo ang ating mga mata sa gitna ng entablado. At sa bawat sablay na isasabit ninyo, sana po ay damhin ninyong kayo rin ang dahilan kung bakit may mga estudyanteng tulad ko na nagpupursige pa rin.

    Ngayon pong nalalapit na ang araw ng aming pagtatapos, hindi ko maiwasang mapuno ng halo-halong emosyon ang aking puso. Sa bawat gabing pinupunasan ko ang pagod at iniinda ang gutom, ito ang araw na paulit-ulit kong ipinagdasal. Hindi pa man ako nakakatapak sa entablado, dama ko na ang bigat ng bawat hakbang na aking tatahakin—mga hakbang na sana’y nasilayan ng aking yumaong Ama. Sa isipan ko, paulit-ulit kong inuulit ang senaryo: suot ang toga, may sablay sa balikat, habang may mga matang nanonood mula sa langit. Hindi ko man siya maririnig na sumigaw ng “Anak, ang galing mo!”, naririnig ko iyon sa pintig ng puso ko tuwing naiisip ko siya. Ang sablay na inaasam kong maisabit ni G. Nakakapagpabagabag ay simbolo ng hindi pagsuko, ng pananalig, at ng pagmamahal. Bawat pagluha ko ay naging pataba sa pangarap kong unti-unti nang sumusulpot sa liwanag. Hindi pa man ito ang dulo, ito na ang simula ng pag-ani mula sa mga panahong pagtitiis ang itinanim. At kahit hindi na kami kumpleto bilang pamilya, buo ang puso kong haharap sa entablado—bitbit ang alaala ng Ama kong bayani, at ang pag-asa ng isang anak na lalaban pa rin hanggang sa huli.

    Maraming salamat po sa oras ninyong basahin ang liham na ito. Maraming salamat po sa pag-unawa, sa pagtuturo, at sa pagmamalasakit sa katulad kong nangangarap sa kabila ng hirap. Nawa'y patuloy kayong maging liwanag para sa mga estudyanteng tulad ko. Magkita po tayo sa entablado—buong dangal, buong puso.


Lubos na Gumagalang,
Hanjo Hayabusa X. Stratomburg
Grade 12 – TVL



~Sir Alos TV

Wednesday, April 30, 2025

Si Balong: Tadhana at Pangarap.

 

Si Balong: Kwento ng Isang Pangarap

Si Balong ay isang simpleng estudyante sa isang pampublikong paaralan sa probinsya. Galing siya sa pamilyang mahirap na umaasa lamang sa maliit na kita mula sa pagtatanim ng gulay at pangangalakal ng kanyang ama. Hindi siya ang tipo ng estudyanteng palaging may mataas na marka o laging may sagot sa klase. Madalas, tahimik lang siya sa isang sulok, nakikinig ngunit bihirang magsalita. Sa bawat saglit ng kanyang pag-aaral, dala niya ang bigat ng pangarap at ng realidad ng kahirapan. Ang tanging nagpapalakas sa kanya ay ang pag-asang makakaahon din sila balang araw. Sa tuwing tinatanong siya kung anong gusto niyang maging, sagot niya'y "basta makatapos lang ako, masaya na ako." Ngunit sa likod ng ngiti, may kaba at takot siyang hindi niya masabi kahit kanino. Ayaw niyang umasa, pero ayaw din niyang sumuko. Sapagkat para kay Balong, ang edukasyon ay hindi lang pangarap—ito'y tanging daan upang makapagtapos at makaahon sa kahirapan.

Malapit na ang huling bahagi ng kanilang huling taon sa senior high school. Lalo siyang naging tahimik, at tila hindi mapakali sa klase. Hindi dahil tamad siya, kundi dahil natatakot siyang hindi makapasa. Madalas siyang mapansin ni G. Garas, ang kanilang guro sa Senior High, na palaging may tanong ngunit hindi makatingin sa mata ng guro. Napansin ni G. Garas ang bigat sa balikat ni Balong, kahit hindi ito nagsasalita. Kaya sa mga pagkakataong may group work o pagsusulit, palihim niya itong binibigyan ng dagdag na gabay. Hindi niya ito pinapahiya, bagkus, binibigyan niya si Balong ng lakas ng loob sa simpleng pagbati ng "Kaya mo 'yan, Balong." Sa loob ng ilang linggo, unti-unting lumakas ang loob ng binatilyo. Nagsimulang sumagot sa klase, unti-unting gumanda ang marka. At sa kauna-unahang pagkakataon, nakaramdam siya ng kumpiyansa.

Ngunit dumating ang balita na magkakaroon ng final deliberation para sa mga makakagraduate. Muling nanlumo si Balong—natakot siyang baka hindi sapat ang lahat ng pinaghirapan niya. Hindi niya masabi sa kanyang pamilya ang kanyang pangamba. Sa gabing iyon, habang hawak ang isang lapis at luma niyang kuwaderno, napaluha siya sa takot at pagod. Iniisip niyang baka sa dulo, hindi pa rin siya mapabilang. Ngunit kinabukasan, isang simpleng piraso ng papel ang ipinasa ni G. Garas sa kanya—isang pagsusulit na may malaking check at markang "80%". Sa ibaba ng papel ay may nakasulat na: “Kung kailan ka natutong maniwala sa sarili mo, doon ka nagsimulang manalo.” Sa sandaling iyon, tila nawala ang bigat sa kanyang dibdib.

Nagpatuloy siya sa pag-aaral at mas lalo pang nagsumikap. Sa bawat araw na lumilipas, mas lumalalim ang kanyang pag-unawa sa mga leksyon at sa sariling kakayahan. Hindi pa rin siya pinakamagaling, ngunit hindi na rin siya ang dating takot at tahimik na si Balong. Minsan siyang pinilit ng kahirapan na manahimik, pero mas pinili niyang lumaban. Nagpapasalamat siya sa mga gurong tulad ni G. Garas na hindi kailanman bumitaw, kahit hindi siya nagsusumigaw ng tulong. Sa katahimikan ng kanyang kilos, napansin siya at binigyan ng pag-asa. At sa mga simpleng salitang, “Naniniwala ako sa ’yo,” unti-unti niyang nabuo muli ang tiwala sa sarili. Ang dati'y pangarap lamang, ngayo’y tila unti-unti nang nagiging totoo. At mas mahalaga, natutunan niyang maniwala sa sarili.

Dumating ang araw ng graduation. Suot ang puting toga, parang hindi makapaniwala si Balong na nandoon siya sa entablado. Habang binabasa ang kanyang pangalan, para bang lahat ng hirap at pagod ay biglang napawi. Nakita niya sa likod ng bulwagan si G. Garas, palihim na ngumiti at tumango sa kanya. Hindi man siya nakakuha ng kahit na anong karangalan, ang makapagtapos ay sapat nang tagumpay. Sa gitna ng palakpakan, napaluha siya—hindi dahil sa lungkot, kundi sa sobrang tuwa. Sa kanyang kamay, hawak niya ang diploma na bunga ng sakripisyo. Sa kanyang puso, bitbit niya ang aral na hindi kailangang maging pinakamatalino para magtagumpay. Ang mahalaga, may puso kang lumaban at may taong naniniwala sa'yo.

Habang binabaybay ni Balong ang bagong yugto ng kanyang buhay, dala pa rin niya ang mga aral mula sa kanyang pinagdaanan. Ang graduation ay hindi lamang pagtatapos ng isang kabanata; ito ay simula ng isang bagong pagsubok, ngunit alam niyang handa na siya. Sa kabila ng lahat ng hirap, natutunan niyang ang edukasyon ay hindi lamang isang daan patungo sa tagumpay, kundi isang paghuhubog ng pagkatao—isang proseso ng pagkatuto, paglaban, at pagtitiwala sa sarili. Ilang linggo matapos ang graduation, tumanggap si Balong ng tawag mula sa isang kumpanya na nagnanais na kunin siya bilang isang trainee. Isang oportunidad na hindi niya akalain na darating. Naisip niya kung paano siya nakarating sa puntong ito—mula sa isang batang tahimik na may takot sa hinaharap, hanggang sa isang kabataang may tapang na harapin ang mga pagsubok ng buhay. Hindi niya inisip na magiging madali, ngunit ngayon, natutunan niyang hindi lahat ng bagay ay dumarating nang mabilis o madali.

Ang mga pangarap ay ginagabayan ng dedikasyon, sipag, at tiwala. Sa unang araw ng kanyang trabaho, hindi pa rin siya nakaiwas sa kaba. Ang dati niyang guro, si G. Garas, ay nagbigay sa kanya ng isang simpleng mensahe bago siya umalis sa paaralan: "Bilog ang mundo, Balong. Huwag mong kalimutan ang iyong pinagmulan, at patuloy mong yakapin ang iyong mga pangarap." Nang marinig ito, napansin niyang ang mga salitang iyon ay nagbigay sa kanya ng dagdag na lakas upang magsimula ng panibagong paglalakbay. Nasa harap siya ng isang bagong simula, at bagamat ang takot at pangarap ay magkasunod na nararamdaman, natutunan niyang gamitin ang mga iyon bilang inspirasyon upang maging mas matatag.

Habang binabaybay niya ang landas ng buhay, si Balong ay naging isang patunay na sa kabila ng lahat ng pagsubok, ang pagtitiwala sa sarili at ang suporta mula sa mga taong naniniwala sa atin ay may kakayahang magbukas ng mga pintuan ng oportunidad. Ngayon, si Balong ay hindi na lamang isang simpleng estudyante. Siya ay isang binatang may mga pangarap na hindi na lamang tungkol sa pagtatapos, kundi sa pagpapakita ng katatagan at pagmamahal sa pamilya, at sa pagpapakita ng pag-asa sa iba. Ang bawat hakbang na kanyang ginagawa ay nagiging simbolo ng pag-asa at tapang, at siya ay patuloy na lumalaban, hindi lang para sa kanyang sarili, kundi para sa mga pangarap na nais niyang ibahagi sa iba.

Sa kabila ng lahat ng pagsubok na kanyang pinagdaanan, natutunan niyang hindi hadlang ang kahirapan at takot upang magtagumpay. Bagamat hindi naging madali, si Balong ay nagsilbing inspirasyon sa mga kabataang patuloy na lumalaban at nagsusumikap. Hindi siya naging pinakamahusay sa lahat ng bagay, ngunit ang kanyang lakas ng loob at pagtitiwala sa sarili ay nagbigay sa kanya ng lakas upang magpatuloy sa pag-abot ng kanyang mga pangarap. Ang mga salitang itinaguyod ni G. Garas ay naging gabay niya sa bawat hakbang.

Habang patuloy na umaangat sa buhay, natutunan ni Balong na hindi palaging makikita sa mga marka o karangalan ang tunay na tagumpay. Ang bawat hakbang patungo sa kanyang mga pangarap ay naging isang masalimuot na laban, ngunit natutunan niyang yakapin ang bawat bahagi ng laban na iyon. Ang kanyang kwento ay patuloy na nagbibigay inspirasyon sa iba, na hindi kailangang maging pinakamagaling upang magtagumpay, kundi ang magpatuloy sa laban, magtiwala sa sarili, at tanggapin ang mga aral sa bawat pagkatalo at tagumpay.

Ang kwento ni Balong ay isang patunay na ang edukasyon ay hindi lamang isang hakbang patungo sa tagumpay, kundi isang pagkakataon upang matutunan ang tunay na halaga ng pagkatao at dedikasyon. Sa bawat araw na lumilipas, mas lalalim ang kanyang pangarap, at mas magiging matatag siya sa bawat pagsubok na darating. Hindi man siya naging pinakamagaling sa klase, ngunit natutunan niyang maging pinakamahalaga ang lakas ng loob at ang mga tao sa paligid niya na nagbibigay ng pag-asa at tiwala. Sa mga simpleng hakbang, natutunan niyang itaguyod ang kanyang pangarap at magpatuloy sa kabila ng lahat ng hamon sa buhay.

Sampung taon matapos ang kanilang graduation, nagising si Balong sa isang masalimuot ngunit matamis na realidad. Ang mga alaalang nagsisilbing gabay sa kanyang buhay ay nagbigay sa kanya ng lakas upang patuloy na magpursige. Ang mga aral na natutunan mula kay G. Garas at sa mga kasamahan niyang estudyante ay nagsilbing pundasyon ng kanyang tagumpay. Mula sa pagiging isang mahirap na estudyante, nakapag-aral siya ng Business Administration sa isang kilalang unibersidad, at hindi nagtagal ay nakapagtayo siya ng sarili niyang negosyo. Ang isang simpleng tindahan ng gulay na unang itinayo ng kanyang ama ay naging isang maliit na kumpanya na nag-aalok ng mga produktong organic at sustainable. Hindi naging madali ang paglalakbay, ngunit sa bawat hakbang, nadama ni Balong ang lakas na nagmula sa kanyang mga pinagdaanan. Natutunan niyang mahalaga ang tiyaga, sipag, at ang pagiging bukas sa mga oportunidad. Sa kabila ng mga pagsubok, hindi siya sumuko, sapagkat alam niyang ang bawat pagkatalo ay pagkakataon upang matuto. Ngayon, isa na siyang matagumpay na negosyante, at sa bawat tagumpay, hindi niya nakakalimutan ang mga guro at kaibigan na nagbigay sa kanya ng lakas at inspirasyon. Sa kanyang opisina, nakasabit ang isang larawan ng kanyang graduation, at sa ilalim nito, nakasulat ang mga salitang "Hindi ako nagtagumpay dahil sa galing ko, kundi dahil sa mga tao na naniwala sa akin."


~Sir Alos TV

Gabay na Liwanag: Ang Kwento ni Mary

 Tahimik na Gabay: Ang Kuwento ni Mary

Sa isang liblib na barangay na napapaligiran ng palayan at bundok, doon nakatira si Mary, isang masikap na estudyante  na nag - aaral sa pampublikong paaralan sa kanilang lugar. Gising na siya bago sumikat ang araw upang tulungan ang kanyang mga magulang sa sakahan—nagdidilig ng gulay, nagsusuyod ng palayan, at nag-aalaga  at nagpapastol ng mga hayop. Sa kabila ng pagod sa umaga, pinipilit niyang makarating sa eskwelahan nang maaga, kahit pa madalas siyang nakatsinelas, walang baon at minsan ay kumakalam ang tyan. Hindi siya sanay makihalubilo sa iba, kaya kadalasan ay tahimik lamang siya sa isang sulok ng silid-aralan. Mayroon naman siyang mga mangilan-ngilang mga kaibigan. Ang kanyang mga guro at mga kaklase ay abala sa kani-kanilang buhay, kaya madalas hindi napapansin ang kanyang pagpupursige. Ngunit sa kanyang puso, may ningas ng pangarap—ang makatapos ng pag-aaral upang makatulong sa pamilya. Sa tuwing may libreng oras, nag-aaral siya sa ilalim ng punong mangga malapit sa paaralan, gamit ang lumang notebook na halos maubos na ang pahina. Hindi niya alintana ang hirap, basta’t alam niyang siya ay papalapit sa kanyang mga pangarap. Wala siyang hinihinging tulong kaninuman—sanay siyang kumayod mag - isa, sanay siyang magsikap. At minsan nga ay mga nakapaligid pa sa kanya ang naghihila sa kaniya pababa upang siya ay panghinaan ng loob.

Habang patuloy si Mary sa kanyang araw-araw na pakikipagsapalaran sa buhay at sa eskwela, unti-unti niyang napapansin ang mga maliliit na pagbabago sa kanyang paligid. Isang araw, may bagong lapis sa kanyang upuan; kinabukasan naman, may nakapatong na papel na may sagot sa mahirap na takdang-aralin. Sa una'y inakala niyang aksidente lang ito o gawa ng kaklase, ngunit nang ito'y paulit-ulit nang mangyari, napaisip siya. Hindi niya alam kung sino ang may pakana, pero nararamdaman niyang may taong nagmamasid sa kanyang pagsisikap. Sa tuwing siya'y malulungkot o mapapagod, tila may dumadating na paalala—isang simpleng papel na may nakasulat na "Kaya mo ‘yan," o isang librong biglang naiwan sa kanyang upuan. Hindi man niya alam kung sino ang gumagawa nito, lubos niya itong pinahahalagahan at ipinagpapasalamat. Pakiramdam niya ay hindi siya nag-iisa. Sa puso niya, may misteryosong gabay na laging nakabuntot sa kanya—tahimik, ngunit matatag. Isang palaisipan kung kanino galing ang mga palihim na biyayang natatanggap niya.

Makalipas ang ilang linggo, napansin ng mga kaklase niya na tila mas aktibo na si Mary sa klase. Hindi na siya nangingiming magtaas ng kamay o sumagot sa recitation. May ilan pa ngang nagsimulang lumapit sa kanya, na dati'y halos hindi siya pinapansin. Lalong lumawak ang kanyang pang-unawa sa bawat aralin, at napansin din ito ng isa sa kanilangmga guro—si Gng. Ambrosia. Kilala si Gng. Ambrosia sa pagiging palabiro at kwela sa klase, ngunit sa likod ng kanyang mga tawa, may mata siyang nakakakita sa mga estudyanteng nangangailangan. Hindi niya ito ipinapakita sa lahat, pero minsan ay nahuli ni Mary ang tingin ng guro na tila ba may pag-unawa sa kanyang pinagdadaanan. Hindi niya ito binigyan ng malisya, ngunit sa loob ng kanyang puso, unti-unti niyang napagtanto at napapaisip—baka siya ang tahimik na gabay at tumutulong sa kanya.

Habang papalapit ang huling pagsusulit ng taon, dumoble ang pagod ni Mary. Bukod sa gawain sa sakahan, kailangan niyang mag-review nang husto upang mapanatili ang mataas na marka. Isang gabi, habang siya'y nagbabasa ng lumang aklat sa ilalim ng lamparang de-gaas, may kumatok sa kanilang bahay. Isang batang lalaki ang may inabot na sobre, sabay sabing: “Sabi po ni Ma’am, para raw po sa inyo.” Gulat na gulat si Mary, ngunit agad na binuksan ang sobre—nandoon ang isang simpleng liham: “Panahon mo na para maniwala sa sarili mo. – A.” Kasama rin ang ilang xerox na reviewer at bagong ballpen. Hindi niya alam kung paano tutugon, kaya't tahimik na lamang siyang ngumiti, sabay hawak sa kanyang dibdib. Sa gabing iyon, hindi siya nakatulog, hindi dahil sa kaba, kundi sa saya at inspirasyong ibinunga ng simpleng mensahe para sa kanya.

Dumating ang araw ng pagsusulit at hindi siya nagkamali—lahat ng kanyang pinag-aralan ay lumabas. Buo ang loob niyang sinagutan ang bawat tanong, at sa kanyang puso, alam niyang handa na siya. Nang matapos ang exam, tumingin siya sa silid-aralan at biglang tumama ang kanyang paningin kay Gng. Ambrosia na tahimik lang na nakaupo sa likod. Walang salita, walang biro—tanging ngiti lang na puno ng pagmamalasakit. Lumabas si Mary ng klasrum na may bagong tapang, hindi lang dahil natapos na ang pagsusulit, kundi dahil alam niyang may taong naniniwala sa kanya. Hindi niya kailangan ng pagkilala o medalya—sapagkat sapat nang alam niyang may liwanag sa kanyang likod. Liwanag na gumagabay sa kanyang landas na tatahakin.

Sa pagtatapos ng taon, isa si Mary sa ginawaran ng parangal bilang “Most Improved Student.” Tahimik niyang tinanggap ito, ngunit sa kanyang puso, sigaw - sigaw ang pasasalamat para Diyos, para sa kanyang mga magulang, at higit lalo para sa taong lihim na gumagabay sa kanya. Sa kanyang pag-uwi, dinala niya ang simpleng medalya at ipinakita sa kanyang mga magulang. “Hindi lang po ito sa akin,” aniya, “para rin po ito sa lahat ng taong tumulong sa akin, kahit hindi ko sila kilala.” Hindi na niya nabanggit si Gng. Ambrosia, sapagkat alam niyang ang tunay na pagtulong ay hindi kailanman naghihintay ng pagbanggit o pagkilala. Sa maliit nilang bahay sa bukid, ipinako niya sa dingding ang medalya, bilang paalala ng isang taong nagliwanag sa kanyang landas.

Lumipas ang panahon, at si Mary ay nakapagtapos ng Senior High School na may pinakamataas na karangalan. Sa kanyang graduation speech, binanggit niya ang mga taong hindi niya kailanman nakilala nang buo, ngunit naging tulay para marating niya ang kanyang mga pangarap. “May mga guro po tayong hindi lang nagtuturo, kundi nag-aakay at gumagabay nang walang kapalit. Hindi man natin sila makilala sa pangalan, mananatili silang bayani sa ating puso, kung sino man po kayo, maraming salamat po. At Diyos na po ang bahalang magsukli sa kabutihang loob niyo. Alam kong ayaw niyo din pong ipakilala ang sarili niyo, pero sa puso ko, kayo po ito. Salamat po.” sabi niya. Sa dulo ng upuan, nakaupo si Gng. Ambrosia—tumawa sa isang biro ng nagspeech at sumipol nang palihim. Walang palakpak, walang spotlight. Ngunit sapat na sa kanya ang mga matang nagniningning dahil sa pag-asang isinaboy niya nang hindi nagpapasikat.

Ngayon, si Mary ay nagtuturo na rin sa parehong paaralan kung saan siya unang nangarap. Isang araw, habang tinuturuan ang mga estudyanteng tahimik at tila nalulumbay, napaisip siya—baka ito na ang panahon para ipasa ang liwanag. Sa kanyang drawer, lagi siyang may ekstrang papel, ballpen, at lihim na mensahe para sa mga batang kagaya niya noon. Hindi niya kailangang sabihin kung saan niya natutunan ito. Sapagkat minsan sa buhay niya, may isang guro na tahimik na nagpatunay—na ang kabutihan ay hindi kailangang ipagmalaki, basta’t mula sa puso.


~Sir Alos TV

Tuesday, April 29, 2025

Bawat Salita'y Gabay: Liham ng Isang Guro na Naniniwala


📜 Liham Para sa Aking mga Mag-aaral



Mahal kong Mag-aaral,

Isang magandang araw sa iyo, aking mahal na estudyante. Ako’y sumulat upang ipahayag ang aking taos-pusong paghanga sa iyong pagsusumikap sa kabila ng lahat ng pagsubok ng iyong buhay. Hindi madali ang mag-aral sa pampublikong paaralan, lalo na kung minsan ay limitado ang ating mga kagamitan, kakayahan at oportunidad. Ngunit sa kabila nito, nakikita ko ang iyong tapang, tiyaga, at walang sawang pagsusumikap. Bilang isang guro sa Math, ang aking misyon ay hindi lamang ituro ang mga numero kundi turuan ka ring mangarap ng mataas at gabayan ka. Nais kong malaman mo na ang bawat maliit na hakbang na ginagawa mo ay mahalaga at patungo sa isang mas maliwanag na bukas. Huwag mong maliitin at balewalain ang bawat leksiyon at bawat pagsasanay, sapagkat ito ang magpapanday ng iyong kinabukasan. Ang bawat pagkakamali na iyong nagagawa ay bahagi ng iyong paglago at hindi ito dapat ikahiya. Pero sana rin wag palaging pagkakamali ang gawin mo, dapat ikaw ay matuto. Ako’y narito upang gabayan ka, hindi lamang sa pag-aaral, kundi pati na rin sa paghahanda sa tunay na buhay. Huwag kang matakot mangarap, sapagkat ikaw ay may kakayahang abutin ang lahat ng iyong pinapangarap. Basta wag ka lang susuko.

Alam kong hindi madali ang pag-aaral, lalo na kung may mga hamon sa buhay na nagpapabigat sa iyong mga balikat. Minsan, maaaring sabayan pa ito ng pagod sa kilo-kilometrong paglalakad papuntang paaralan, kakulangan sa kagamitan at perang pambaon, o mga problemang pampamilya. Subalit sa gitna ng lahat ng ito, ang iyong determinasyon ay nagsisilbing ilaw sa madilim na landasn na iyong dinadaan. Nais kong malaman mo na ang edukasyon ang pinakamahalagang pamana na maaari mong makamtan. Walang sinuman ang makakaagaw ng kaalamang iyong pinaghirapan. Ang Mathematics, bagama't madalas ay kinatatakutan at inaayawan, ay isang pagsasanay sa disiplina, lohika, at pasensya. Kung kaya mong maintindihan ang mga komplikadong problema, kaya mo ring lutasin ang mga pagsubok sa tunay na buhay. Tandaan mo, hindi mo kailangang maging pinakamagaling sa klase upang maging matagumpay—ang mahalaga ay ang hindi mo pagsuko sa kabila ng hirap.

Bilang iyong guro, lagi kong pinapaalala na ang bawat pagkakamali ay isang hakbang palapit sa tagumpay. Kapag ikaw ay nadapa sa pagsusulit, tandaan mong hindi ito ang katapusan, kundi simula ng pagbangon. Hindi mo kailangan ikumpara ang iyong sarili sa iba; ang tunay mong kalaban ay ang sarili mong kahapon. Ang bawat araw na pinipili mong matuto ay isang araw na pinapalakas mo ang iyong kinabukasan. Walang shortcut sa tagumpay; ang pagod mo ngayon ay bunga na iyong aanihin bukas. Hindi rin madaling unawain ang mga komplikadong konsepto ng algebra o calculus, ngunit ang disiplina mong bumangon at magsanay ay magdadala sa iyo sa matayog na pangarap. Kapag ikaw ay natututo, hindi lamang utak ang lumalago, kundi pati na rin ang iyong puso at karakter. Sa bawat pagsagot mo ng math problems, pinapatibay mo rin ang iyong katatagan sa buhay. Manalig ka sa iyong sarili, sapagkat naniniwala ako sa kakayahan mo.Magsanay ka lang ng magsanay araw - araw.

Marahil may mga pagkakataon na nararamdaman mong ikaw ay nag-iisa sa iyong paglalakbay. Ngunit nais kong ipaalala sa iyo na sa bawat araw na ikaw ay pumapasok sa paaralan, maraming tao ang naniniwala sa iyong kakayahan. Hindi ka nag-iisa sa laban na ito; nariyan ang iyong pamilya, ang iyong mga guro, at ang Diyos na gabay mo sa bawat hakbang. Huwag kang manghinawa sa pag-aaral kahit pa may mga oras na tila walang nakakapansin ng iyong pagsisikap. Sapagkat ang tunay na gantimpala ay hindi lamang diploma kundi ang katauhan mong hinubog ng hirap at pagpupunyagi. Kung minsan, ang mga tahimik na estudyante ang may pinakamatatamis na kwento ng tagumpay. Kaya’t huwag kang matakot mangarap ng malaki—walang bayad ang mangarap, ngunit may napakalaking gantimpala kapag pinagsikapan mong abutin ito. Isa ka sa mga dahilan kung bakit ako patuloy na nagtuturo at naniniwala sa kabataan ng ating bansa. Ipagpatuloy mo lang ang laban. Madalas walang nakakapansin sa iyong pagsusumikap. Hayaan mo sila, basta gawin mo ang sa tingin mo ay makakabuti para sa sarili mo.

Alam kong may mga araw na parang napakalayo ng iyong mga pangarap. Ngunit nais kong itanim mo sa iyong puso: bawat araw na ginugugol mo sa pag-aaral ay isang hakbang na palapit sa mga pangarap na iyon. One step closer to your dream ika nga. Hindi mo man makita agad ang bunga ngayon, balang araw ay magpapasalamat ka sa sarili mong hindi ka sumuko. Ang bawat pagsusumikap mo ngayon ay magiging tulay mo patungo sa propesyong iyong ninanais. Kung nangangarap kang maging guro, engineer, doktor, accountant, o kahit anumang propesyon, lahat ng iyan ay nagsisimula sa disiplina at pagpupunyagi. Magsimula ka sa mga maliliit na tagumpay: isang mataas na score sa pagsusulit, isang matatag na solusyon sa math problem, isang araw ng walang absent. Kapag pinagsama-sama ang mga maliliit na tagumpay, ito ay magiging matatag na pundasyon ng iyong kinabukasan. Magtiwala ka sa proseso, sapagkat bawat butil ng pagsusumikap ay hindi nasasayang. Mas sayang kung wala kang gagawin ngayon. The best way to do it, is NOW.

Bilang isang produkto rin ng pampublikong paaralan, nauunawaan ko ang mga paghihirap na pinagdadaanan mo. Hindi mo kailangang ikahiya ang iyong pinagmulan, bagkus ito ay dapat mong ipagmalaki. Ang bawat pagsubok na iyong nalalagpasan ay nagbibigay sa iyo ng lakas at tibay ng loob. Hindi hadlang ang kahirapan para sa isang taong determinado at nagsisikap. Marami nang mga mag-aaral mula sa pampublikong paaralan ang naging abogado, doktor, engineer, at mga pinuno ng bansa. Isa lamang ang nagbubuklod sa kanila—ang matinding paniniwala sa sarili at ang walang sawang pagpupunyagi. Kung kaya nila, kaya mo rin. Hindi mo kailangan ng marangyang paaralan para matuto ng mataas na leksiyon sa buhay. Ang tunay na karunungan ay nahuhubog sa pagharap at pagtagumpay sa tunay na buhay.

Huwag mong hayaang takutin ka ng mga pagsubok. Ang tunay na kagalingan ay hindi nakikita sa mga medalya kundi sa iyong katatagan at kabutihang-loob. Kung mabigo ka man minsan, bumangon ka nang mas matatag. Ang bawat pagkatalo ay isang hakbang sa pagiging matalino at marunong sa buhay. Hindi madali ang landas patungo sa tagumpay, ngunit mas matamis ang tagumpay kung ito ay pinaghirapan. Ang bawat pagsagot mo ng mahihirap na math problems ay pagsasanay para sa mga problema sa buhay na kakaharapin mo. Hindi lang utak ang pinapalakas ng edukasyon, kundi pati ang iyong loob at dangal. Kaya sa bawat pagsubok, ngumiti ka at sabihing, "Kaya ko ito!" Hindi ka nag-iisa, sapagkat narito ako bilang iyong guro, kaagapay mo sa pag-abot ng iyong mga pangarap.

Sa pagtatapos ng liham na ito, nais kong iwan sa iyo ang isang mahalagang paalala: ang tunay na kayamanan ng tao ay hindi nasusukat sa pera kundi sa karunungang kanyang natamo. Ang mga pagkakataong ipinagkakaloob sa iyo ngayon ay huwag mong sayangin. Isabuhay mo ang bawat aral, at maging instrumento ka rin ng pagbabago sa iyong pamilya at komunidad. Manatili kang mapagpakumbaba kahit sa pag-abot ng tagumpay. Ibahagi mo ang iyong kaalaman sa iba, tulad ng isang ilaw na nagpapasindi ng pag-asa. Sa huli, ang tunay na tagumpay ay makikita hindi lamang sa iyong narating, kundi sa kung paano mo tinulungan ang iba sa kanilang paglalakbay. Kung may kakayahan ka ng tumulong, alalahanin mo ako at tulungan mo sila. Lagi mong tandaan, sa bawat problemang iyong sinusolusyunan, sa bawat pangarap na iyong inaabot—ako ay laging nasa iyong likuran, naniniwala at sumusuporta. Manalig ka sa Diyos, manalig ka sa iyong sarili, at manalig ka sa kinabukasang iyong nililikha.

Lubos na sumasaiyo,
Sir Bonifacio A. Alos Jr.
Guro sa Mathematics

Monday, April 28, 2025

Mga Pangarap sa Loob ng Silid-Aralan: Ang Tunay na Yaman ng Isang Guro

Sa Likod ng Pisara: Buhay ng Isang Lalaking Guro sa Pampublikong Paaralan


Sa bawat pagsikat ng araw, kasabay ng pagdampi ng malamig na hangin sa lansangan, ay ang paglalakad ko patungo sa eskwelahan—dala ang mabigat ngunit makulay na pangarap para sa aking mga estudyante. Hindi biro ang bumangon nang maaga araw-araw, lalo na kung ang sahod ay madalas sapat lamang para sa sarili at pamilya. Ngunit sa bawat ngiti ng mga batang sumasalubong sa akin, napapawi ang lahat ng pagod at pangungulila. Ako ay isang lalaking guro sa isang pampublikong paaralan, at sa kabila ng lahat ng pagsubok, pinipili ko pa ring manatili. Sapagkat higit pa sa pagtuturo ng leksyon, ako ay humuhubog ng buhay, nangangarap para sa mga batang minsang nawalan ng pag-asa. Ang bawat piraso ng chalk, bawat pagkasira ng marker, at bawat pagpupunas ng pawis sa ilalim ng araw, ay patunay ng pagmamahal sa propesyon. Hindi ako narito para lamang magturo ng numero at letra—narito ako para bumuo ng mga pangarap. At sa bawat araw na lumilipas, lagi kong itinatanim sa aking sarili: "Hindi man ako maging milyonaryo sa pera, milyonaryo naman ako sa pagmamahal ng aking mga estudyante. Sana maging matagumpay sila sa buhay pagdating ng panahon."

Hindi madali ang magturo sa pampublikong paaralan—sira-sirang upuan, kulang na libro, mga batang nahihirapang makaintindi ng lesson, at minsang mga kisameng tumutulo ang karaniwang tanawin. Ngunit sa gitna ng kakulangan, nariyan ang sagana sa pag-asa, determinasyon, at pagmamalasakit. Wala akong aircon sa klase, walang high-tech na kagamitan, ngunit meron akong pusong handang magturo kahit sa gitna ng unos. Sa tuwing nakikita ko ang aking mga estudyanteng dahan-dahang bumubuti sa kanilang pag-aaral, alam kong hindi nasasayang ang bawat sakripisyo. Hindi lahat ng araw ay puno ng saya; may mga panahong gusto ko nang sumuko. Ngunit sa bawat iyak ng estudyanteng nagpapasalamat, sa bawat liham na nagsasabing "Salamat, Sir," doon ko nararamdaman ang tunay na kayamanan ng pagtuturo.

Ang pagiging isang guro ay hindi lamang tungkol sa pagtapos ng lesson plan, kundi sa pagbibigay ng leksiyon sa buhay. Kapag tinuturuan ko sila ng fractions, tinuturuan ko rin silang hatiin ang pangarap upang mas maging abot-kamay. Kapag tinuturuan ko sila ng kasaysayan, itinuturo ko rin ang pagmamahal sa bayan at sa kanilang pinagmulan. Hindi sapat ang chalk at blackboard para ituro ang lahat ng dapat nilang matutunan sa buhay. Kaya’t ginagamit ko ang bawat kwento ng buhay ko bilang halimbawa—ang hirap, ang tagumpay, ang pagsuko at pagbangon. Sapagkat alam ko, ang tunay na edukasyon ay hindi lamang nasusukat sa dami ng 100% sa papel, kundi sa tibay ng loob kapag dumating na ang tunay na laban sa buhay. Dahil ang tunay na laban ay wala sa loob ng silid aralan. Ito ay nasa totong buhay pagkatapos ng pag - aaral.

Hindi ko ikinakahiya ang aking pagiging guro sa pampublikong paaralan. Bagkus, itinuturing ko itong isang karangalang hindi mabibili ng anumang salapi o titulo. Kapag may estudyanteng lumalapit at nagsasabing, "Sir, gusto ko rin pong maging guro balang-araw," iyon na ang pinakamataas na gantimpala para sa akin. Hindi ako nagtuturo para lamang sa pagsusulit, kundi para sa pagbuo ng mga taong may malasakit sa kapwa. Alam kong hindi lahat ng tinuturuan ko ay magiging doktor, engineer, o abogado. Pero kung sila'y magiging mabubuting tao, mabuting anak, at mabuting mamamayan, sapat na iyon para sa akin. Sa bawat pasang-awa, sa bawat mabagal na pagsagot sa klase, nakikita ko ang katatagan ng bawat batang Pilipino. Hindi ako perpektong guro, ngunit araw-araw, pinipili kong maging ilaw sa gitna ng dilim. Ang magiging ilaw nila sa landas na kanilang tatahakin pag-alis nila sa akin. 

Sa totoo lang, minsan, napapaisip ako: "May patutunguhan pa ba ang lahat ng pagod ko?" Kapag naririnig ko ang balita ng mga guro na mistulang napapabayaan, hindi ko maiwasang masaktan. Ngunit sa halip na sumuko, lalo akong kumakapit sa dahilan kung bakit ako nagsimula—para sa mga batang nangangarap kahit sa gitna ng kahirapan. Para sa mga estudyanteng nilalabanan ang gutom upang makapasok. Para sa mga batang nagsusumikap kahit putol-putol ang sapatos o walang baon sa bulsa. Sa tuwing nakikita ko sila, napapaalalahanan ako: ako ang kanilang sandigan, ang kanilang unang hakbang patungo sa mas magandang bukas. Hindi nila kailangan ng perpektong guro—kailangan nila ng gurong hindi sumusuko. Kailangan nila ng isang kamay na hahampas sa likod nila pag sila ay pasuko na at magsasabing kaya mo yan.

Ang pagtuturo ay isang uri ng pag-ibig na hindi laging naiintindihan ng mundo. Hindi kami sikat, hindi kami laging pinapahalagahan, pero sa bawat pusong aming naaabot, kami ang tunay na bayani. Ang isang simpleng "Good morning, Sir!" mula sa estudyanteng dati'y mahiyain na, ay sapat nang dahilan para ngumiti buong maghapon. Ang maliit na pagbabago sa buhay ng isang bata, ay bunga ng bawat gabing hindi ko inaalintana ang pagod habang gumagawa ng lesson plan. Ang bawat maliit na "thank you" ay parang medalya na inilalagay ko sa aking puso. Hindi lahat ng kwento ng guro ay naririnig, ngunit bawat guro ay may kwento ng pag-asa. At sa bawat kwento, may batang natutong mangarap muli.

Hindi rin ako makalilimot sa mga estudyanteng minsang naligaw ng landas. Hindi lahat ng tinuturuan ko ay madali, hindi lahat ay sunod sa bawat bilin. May mga pasaway, may mga magulo, may mga matitigas ang ulo. Ngunit sa likod ng mga iyon, nakatago ang mga pusong sugatan, ang mga batang kailangang unawain at gabayan. At dito ko mas naunawaan: ang pagtuturo ay hindi lamang pagpapasa ng kaalaman kundi pagmumulat ng mga pusong takot magmahal. Hindi ko sila tinutulak palayo kahit mahirap silang turuan—mas lalo ko silang nilalapitan. Sapagkat minsan, ang pinaka nangangailangan ng pagmamahal ay yaong hindi marunong humingi nito. Sabi nga ni Jesus sa Bibliya, "Hindi nangangailangan ng manggagamot ang walang sakit." Kung kaya, sila ang mas dapat pagtuunan ng pansin at bigyan ng pagpapahalaga. Kasi baka ikaw na guro niya ang makapagbibigay noon sa kanya.

Bilang isang lalaking guro sa pampublikong paaralan, dala ko araw-araw ang dalawang bagay: pangarap at pag-asa. Pangarap para sa aking sarili na balang-araw, makita ang mga estudyanteng naging matagumpay. At pag-asa na ang bawat maliit na hakbang namin ngayon ay magbubunga ng malaking pagbabago sa kinabukasan ng bansa. Alam ko, hindi agad-agad, at hindi lahat ng resulta ay makikita ko sa aking buhay. Ngunit sa puso ko, buo ang paniniwala: may mga batang sisigaw ng tagumpay balang-araw, at sa bawat pangalan nila, isang maliit na bahagi ako ng kanilang kwento. Hindi ko man maisulat sa aklat ang lahat ng aking ginawa, itinatala ko naman ito sa puso ng bawat batang dumaan sa aking klase.

At sa bawat pagtatapos ng araw, bago ako umuwi, lilingon ako sa bakuran ng paaralan at ngingiti. Isang lalaking guro, isang simpleng tao, ngunit isang tunay na mangingibig ng kaalaman at pangarap. Hindi kayamanan ang sukatan ng tagumpay para sa akin, kundi kung ilang puso ang nagbago, ilang mata ang muling nangarap, at ilang buhay ang nabigyang liwanag. Sa dulo ng lahat, hindi ang titulong “Guro” ang bumuo sa akin, kundi ang pagmamahal ko sa bawat batang Pilipino na nangarap kasama ko. Sapagkat sa pagtuturo, natutunan ko rin kung paano magmahal nang higit pa sa sarili. At iyon ang kwento ko—isang simpleng guro, isang simpleng bayani, sa isang simpleng pampublikong paaralan sa Pilipinas.

~Sir Alos TV.


Gusto mo bang masilayan ang totoong kwento sa likod ng bawat silid-aralan? 


Sa Sir Alos TV, hindi lang leksyon sa libro ang matututunan mo—dito, puso, sakripisyo, at tunay na buhay ng isang guro sa pampublikong paaralan ang isinasalaysay.


Halina't sumama sa aming paglalakbay kung saan bawat araw ay isang kwento ng pag-asa, bawat estudyante ay isang pangarap, at bawat guro ay isang bayani.


Follow na sa aming website para ma-inspire, matawa, maantig ang puso, at matutong magmahal pa lalo sa edukasyon! 


Dahil dito sa Sir Alos TV, bawat turo ay hindi lang basta aralin—ito ay kwento ng buhay.

Thursday, April 24, 2025

Hindi Lang Numero ang Itinuturo Ko—Pangarap ng mga Bata ang Binubuo Ko

 Ang Mga Laban at Tagumpay ng Isang Guro sa Mathematics

Sa tuwing sumasapit ang alas-siyete ng umaga, bitbit ko na agad ang aking bag, laptop, at kapirasong pag-asa na sana'y makuha ko ang atensyon ng mga estudyanteng kanina lang ay gutom pa. Hindi biro ang maging isang guro ng Mathematics sa pampublikong paaralan, lalo na’t maraming mag-aaral ang may trauma sa asignaturang ito. Minsan, kulang ang chalk, minsan kulang ang silya, pero madalas kulang ang tiwala ng mga bata sa sarili nilang kakayahan sa numero. Madalas, kailangan mo munang ituro kung paano maging matatag bago mo maituro kung paano mag-multiply ng fractions. May mga batang papasok na walang baon, walang tulog, pero kailangang matuto ng quadratic equations. May mga araw na kahit buong araw mong nilakasan ang loob mo, uuwi ka pa ring luhaan sa kakaisip kung paano mo sila matutulungan. Wala kang masyadong resources—visual aids mo ay gawa lang sa kartolina, gawa sa sariling bulsa. Minsan kulang ang suporta mula sa magulang, minsan kulang din sa pag-intindi ng sitwasyon. Pero kahit anong hirap, hindi ka pwedeng sumuko—dahil may isang batang umaasa na matututunan niya ang Math dahil sa'yo.

Sa bawat pasok sa silid-aralan, dala ko ang pangarap na kahit isa sa kanila ay matutong magmahal ng Math. Pero mahirap ang kalaban: cellphone, social media, maingay na paligid, gutom, at minsan, sariling takot sa pagkakamali. Kailangan kong magpanggap na ako'y laging masaya—kahit pagod, kahit may personal na problema, kailangan kong ngumiti. Ang tawag nila sa amin ay "pangalawang magulang," pero minsan pakiramdam ko ay kami ang primary na sandalan nila. Kapag may batang bumagsak, nasasaktan ako. Kapag may batang nagsabing, "Sir, ang hirap po," hindi lang equation ang kinakalaban ko kundi ang sistema ng kawalan ng suporta. Sa tuwing magsasagot sila sa pisara, makikita mo sa mata nila ang kaba—parang bawat maling sagot ay panghabambuhay na marka ng kabiguan. Pero kapag nakuha nila ang sagot, kahit simpleng 3x3, parang nanalo sila ng jackpot. At ako, tahimik lang na nakangiti, dahil alam kong unti-unti, may binubuo kaming tiwala. Tiwala sa sarili, at tiwala sa pangarap.

Hindi kami tumitigil sa pagtuturo kahit tapos na ang klase. Madalas akong naaabutan ng dilim sa faculty room, kape at chalk dust na lang ang kasama. Naghahanda ng lesson, gumagawa ng powerpoint, nagrerebyu ng lesson para bukas. Kahit Sabado at Linggo, nagtatrabaho pa rin—checking ng test papers, paggawa ng mga para sa paaralan, paghahanda ng quizzes. Ang tanong ko minsan sa sarili, “Hanggang kailan ko ito kakayanin?” Pero sa bawat batang nagsasabing, “Sir, naiintindihan ko na po,” parang nabubura lahat ng pagod. Hindi naman kasi pera ang tunay na suweldo ng guro—ito ay ang tagumpay ng estudyante. Oo, kulang ang sahod. Oo, kulang ang benepisyo. Pero hindi kulang ang pagmamahal naming mga guro sa mga batang tinuturuan namin.

Sa tuwing may batang lumalapit para lang magtanong ng simpleng konsepto, tinatrato ko itong isang hakbang palapit sa kanyang pangarap. May mga estudyanteng ayaw na ayaw ng Math noong una, pero dahil sa tiyaga, ngayon ay sila na mismo ang nagtuturo sa kaklase nila. Sabi nila, ang Math daw ay walang puso—pero kami ang pusong nagbibigay-buhay sa bawat numero. Marami sa aming mga Math teachers ang may sariling kwento ng kabiguan sa buhay, pero pinipili naming tumayo para maging tulay sa tagumpay ng iba. Hindi lang kami nagtuturo ng formulas at functions, nagtuturo rin kami ng tapang at determinasyon. Sa likod ng bawat solved equation ay isang kwento ng pagsubok na nalampasan. May mga batang hindi man mahusay, pero puspusang nagsisikap. At sa bawat ganitong estudyante, naroon kami—hindi bilang tagapuna, kundi bilang gabay. Nandyan din ang mga pagtuturo namin ng mga aral sa buhay na di nila matututunan sa mga libro.

May mga pagkakataong halos mawala na ang gana ko, lalo na kapag wala akong naririnig na pasasalamat. Pero kapag may isang estudyanteng biglang lalapit at magsasabing, “Sir, salamat po sa mga life lesson na naishare niyo sa amin,” sapat na iyon. Iyon na ang gasolina ko para muling magsulat ng lesson kahit antok na antok na. Minsan hindi nila alam na sa simpleng “Sir, gets ko na po,” napapaiyak ako sa tuwa. Hindi ko kailangang marinig ang "salamat" mula sa lahat, dahil alam kong darating ang panahon—sila mismo ang magsasabi niyon sa sarili nilang anak balang araw. At kapag sinabi nilang, "Ganyan din ang naging teacher ko dati," alam kong ako iyon. Ang gurong hindi sumuko, ang gurong naniwala kahit walang naniniwala. Ako ang patunay na kahit anong hirap, may saysay ang bawat segundo. Sa bawat batang umaasang matuto, ako ang nagsisilbing liwanag sa gitna ng takot nila sa Math. Sabi nila di na ako nakakapagturo ng lesson, pero ang di nila napapansin, mas naituro ko sa kanila ang lesson na dapat nila matututunan sa buhay. Sabi nga nila, Di ako yung teacher na paborito ng lahat, pero sobrang salamat sa mga nakakaappreciate sa istilo ko.

Sa mga faculty meeting, madalas kaming napag-iiwanan sa mga plano para sa co-curricular activities, dahil palaging sinasabing boring ang Math. Napagalitan nga ako dahil wala daw akong ginagawa. Di dahil sa di nila nakikita ay wala na. Minsan kasi mas gusto ko ang  magtrabaho ng pasekreto kaysa sa ipagmayabang mo na may ginagawa ka. Pero hindi nila alam, sa likod ng bawat math quiz bee ay ilang linggong review, coaching, at pagod ng mga estudyante. Sa likod ng bawat batang nananalo ay may gurong halos wala nang boses sa kakapaliwanag ng concepts. Hindi kami laging bida sa recognition day, pero kami ang nagtulak sa mga batang iyon paakyat ng stage. Kapag kulang ang aming budget para sa contest, kami ang nagdadagdag gamit ang sariling pera. Dahil para sa akin, ang medalya ay simbolo ng paniniwala—na kaya nila. Hindi lahat ng Math teachers ay loud and proud, pero lahat kami ay consistent at committed. Wala sa amin ang sumuko. Kahit kulang sa resources, hindi kulang sa pagmamalasakit. At sa dulo, iyon ang tunay na batayan ng tagumpay. Di lahat ay naipanalo. Sa isang nabasa ko, "Sa Math, Wala kang talo. Kung nanalo ka, may award ka. Kung di ka naman nanalo, may natutunan ka."

Hindi ko makakalimutang may isa akong estudyanteng dati ay madalas zero sa quiz ko, pero ngayon ay isa nang civil engineering student. Naaalala ko pa kung paano siya mangiyak-ngiyak habang nag-aaral ng algebra—at kung paano ako rin ay halos sumuko na. Pero hindi ko siya binitiwan, kasi naniniwala akong hindi lang siya basta estudyante—siya ay pangarap na unti-unting nagkakaroon ng direksyon. At ngayong nakikita ko siyang nagpo-post ng blueprint sa social media, alam kong may bahagi ako sa kwento niya. Ganito ang kwento ng maraming guro sa Math. Hindi kami palaging kinikilala, pero may mga estudyanteng patuloy na nagpapatunay ng aming halaga. Minsan kailangan lang naming mapaalalahanan na mahalaga kami. Na ang bawat hirap ay may kaakibat na gantimpala—hindi lang sa anyo ng grado, kundi sa anyo ng natupad na pangarap. At sa bawat estudyanteng umaangat, isang guro ng Math ang kasama niya.

Pero gaya rin ng mga batang tinuturuan ko, ako rin ay nangangarap. Nangangarap akong makalipat sa paaralang mas malapit sa tahanan namin. Sa ngayon kasi, mahigit 60 kilometro ang layo ng aking assignment mula sa aming bahay. Araw-araw, tinitiis ko ang lungkot ng paglayo sa pamilya, lalo na sa mga anak kong sabik rin sa presensya ng kanilang ama. Nakatira lang ako sa isang maliit na boarding house malapit sa school—simple, maayos, tahimik, pero tiis lang. Tuwing gabi, hindi laging mahimbing ang tulog, pero panatag ang puso dahil alam kong may mga batang nag-aabang sa akin kinabukasan. Hindi biro ang kalayuan, ang gastos, at ang pangungulila, pero pinipili ko pa ring manatili. Kasi sa kabila ng lahat, may pangarap pa rin akong unti-unting nilalakad—ang muling makapagturo nang malapit sa tahanan. Pangarap kong hindi na kailangang mamili sa pagitan ng pamilya at propesyon. Pangarap kong makasama araw-araw ang mga anak ko habang tinutupad ko rin ang pangarap ng mga pag-asa ng bayan.

Sa tuwing binabagtas ko ang maalikabok na daan papasok sa paaralan, dala ko ang pangakong patuloy akong magtuturo. Hindi dahil sa suweldo, hindi dahil sa promotion, kundi dahil sa misyon. Ang misyon na sa bawat batang tinuturuan ko, may isang buhay na posibleng magbago. At sa bawat batang natututo, may isang Math teacher na patuloy na lumalaban. Hindi madali, pero posible. Hindi perpekto, pero makabuluhan. Kami ang mga guro ng Math na patuloy na bumabangon sa bawat pagkakadapa—kasama ang mga estudyanteng naniniwala. At sa mundong puno ng problema, alam naming kami ay bahagi ng solusyon. Dahil sa bawat batang natututo, may gurong hindi kailanman sumuko.

~Sir Alos TV


kabandaan

ads

ads

Followers

ads

Rena: Bitbit ang Anak, Bitbit ang Pangarap

Sa Likod ng Diploma: Kuwento ng Pagbangon ni Rena Sa isang maliit at liblib na barangay sa gitna ng kabundukan, namuhay si Rena kasama ang k...

ads