Class Prophecy: TVL Batch 2025 – Ranom Iloco National High School
Habang ang mga empleyado ng catering ay masayang nagkwekwentuhan at abala sa pag aayos ng lugar ng kaganapan, isang lalaki ang naglalakad at tumitingin sa mga nag-aayos. Isang lalaki na pamilyar sa lahat ng mga dadalo sa okasyon na iyon. Tulad ng dati niyang ginagawa na laging sumisilip silip sa mga nasa loob ng kwarto ng paaralan.
Dalawampung taon ang lumipas mula noong kanilang paghihiwalay, at ngayon, isang engrandeng pagtitipon ang nagaganap para sa TVL Batch 2025 ng Ranom Iloco National High School. Sa isang marangyang event hall sa bayan ng Bani, isa-isang dumarating ang mga dating mag-aaral, na ngayon ay matagumpay na sa kani-kanilang larangan at propesyon. Ang dating mga estudyanteng punong-puno ng pangarap na ngayon ay mga haligi na ng kani-kanilang industriya. Sila ang bunga ng kahirapan at nag-umpisa mula sa wala na ngayon ay may nagawang maipagmamalaki sa kanilang pinagmulan tulad ng Ranom Iloco, Ambabaay, Tipor at Ballag.
Habang papaumpisa ang pagtitipon, isang mamahaling sasakyan ang huminto sa harapan ng bulwagan. Bumaba mula rito si Engineer Ronnel, ang tanyag na civil engineer na responsable sa pagpapatayo ng matitibay na imprastraktura sa bansa. Kasunod niya ang magkaibigang sina Architect Althea Phoebe at Interior Designer na si Enilyn Angel, na kilala sa buong mundo sa kanilang pinagsamang makabagong disenyo ng bahay at gusali. Maging ng mga pinakasikat na mga estilo sa disenyo ng bahay ay naging standard na sa buong Europa at Amerika.
Sa kabilang bahagi ng hall, isang grupo ng mga chef ang masayang nagkukuwentuhan. Naroon si Chef Anielyn, na nagmamay-ari ng isa sa mga pinakasikat na restaurant sa bansa na naging asawa ng isang sikat na pulitiko, at si Chef Nick, na may sariling cooking show na umaabot sa iba't ibang panig ng mundo. Kasama rin nila si Chef Yvonne, na sikat sa kanyang signature pastries na kinababaliwan sa Asia at Europe, at si Chef Genemae, na ngayon ay executive chef sa isang five-star hotel sa Paris dahil sa kaniyang pinagarbong bersyon ng spaghetti.
Sa gitna ng event, makikita si Fashion Designer Jelo, may-ari ng isang clothing line na tinatangkilik hindi lamang sa Pilipinas kundi sa iba’t ibang bansa. Kasama niya si Daniella Mae, ang matagumpay na entrepreneur na may malalaking negosyo sa agrikultura at food production sa Japan at South Asia.
Samantala, si Adam, ang kilalang mechanic at may-ari ng mga malalaking auto-repair company, ay patuloy na nagbibigay ng libreng training sa mga kabataang nais pumasok sa industriya ng automotive technology upang makatulong din sa mga katulad nilang nangangarap makaahon sa buhay.
Mula sa larangan ng edukasyon naman, naroon si Teacher Maria Teresa, isang tanyag at dalubhasang guro at manunulat ng aklat pang-edukasyon sa larangan ng Science at Mathematics, at si John Louie, isang IT experts at may-ari ng isang tech company na nangunguna sa digital innovations. Kasama rin nila si Rowen Jay, isang kilalang electrical engineer na may malalaking proyekto sa renewable energy at source ng energy sa halos lahat ng kontinente sa sa buong mundo.
Hindi rin mawawala si Arth Cedric, na ngayon ay isang robotics engineer na nakatuklas sa Super AI na kayang gayahin ang isang totoong tao maging ang damdamin at emotion ng isang pangkaraniwang tao, at si Menchie, isang expert sa cybersecurity na nagtatrabaho sa isang multinational tech firm at ang gumawa ng security center ng America.
Sa larangan ng hospitality at tourism, matagumpay sina Kate at Louiella Angelyn, na may mga sariling hotel at resort business sa iba’t ibang panig ng Pilipinas at maging sa Saudi Arabia. Si Lady Divine naman ay isang internationally renowned travel blogger na nakarating na sa mahigit 120 na bansa.
Naglingkod din sa bayan ang ilan sa kanila—si John Keneth, na ngayon ay isang respetadong pulis tulad ni Cardo Dalisay, at si Mark Jovin, isang dedicated firefighter na sumusuong sa mga sunog sa iba't - ibang panig ng bansa, na ngayon ay isa ng senator ng Pilipinas. Naroon din si Gian Aries, na isang marine engineer at responsable sa pagpapalakas ng maritime industry sa Pangasinan at kasalukuyang congressman ng unang distrito ng Pangasinan.
Mula sa larangan ng medisina, nakilala si Dr. Elma, isang tanyag na surgeon sa isang prestihiyosong ospital sa France na naging tanyag sa kanyang kauna-unahang matagumpay na operasyon ng Head Surgery, at si Dr. Jake Laurence, isang pilantropo at eksperto sa biomedical engineering na bumubuo ng makabagong prosthetics para sa mga may kapansanan. Siya ang nakadiskubre ng prosthetic na mula sa mga resiklibong kagamitan. Kasama rin nila si Rainier Loren, isang physical therapist na tumutulong sa mga atleta at may kapansanan upang muling makabangon at maiayos ang kanilang kalusugan. Siya ang pinakanangungunang therapist sa buong Asia.
Sa mundo ng media at entertainment, sumikat si Mark Anthony, na ngayon ay isang award-winning director na nagkamit ng pinakamataas na karangalan sa industriya sa loob at labas ng bansa, habang si Gene Rose ay isang sikat na broadcaster at journalist na nagbibigay ng mga matatapang at mahahalagang balita sa bansa na walang kinikilingan. Harapan niyang nilalabanan ang mga tiwaling mga leader ng bansa.
Kasama rin si Khubi Mari, isang game developer na nakalikha ng sikat na mga online game tulad ng King of Legends at Warrior Survival, at si Kenrick, isang software engineer na nagtatrabaho sa isa sa pinakamalalaking tech companies sa Silicon Valley. Samantala, si Patricia, isang renowned interior designer, ay patuloy na nagbibigay ng eleganteng disenyo sa mga tahanan at establisyemento sa Africa.
Sa larangan ng sports, si Marc Daniel, na dating atleta ng paaralan, ay isa nang professional basketball player sa isang international league at nagchampion sa FIBA World Cup 2042 at NBA 2043, at si Marnel, isang swimming coach na humubog ng mga future Olympians sa larangan ng pinakamabilis na paglangoy.
Sa larangan ng business at finance, si Aeron Carl, isang successful financial analyst, ay tumutulong sa mga negosyo upang lumago. Siya ang naging susi ng paglago ng ekonomiya ng Pilipinas upang manguna sa merkado sa buong mundo. Kasama niya si Mark Emil, isang stock market expert na isa na rin multi bilyonaryo sa Pilipinas, at si Mark John Santiago, na nagmamay-ari ng isang multinational investment firm na may head office sa America.
Hindi rin pahuhuli ang mga nasa larangan ng transportation at logistics—si James Brian, na ngayon ay isang aviation engineer at nagmamay-ari ng pinakamalaking Airlines sa Europe, at si James Carl, isang ship captain na naglalayag sa iba’t ibang panig ng mundo.
Mula naman sa larangan ng agriculture at environmental science, si Gina ay isang volunteer agriculturist na tumutulong sa mga magsasaka na palaguin ang kanilang ani sa pagpapakwan gamit ang makabagong teknolohiya ng pagsasaka at pagtatanim ng pakwan sa Bani. Kasama niya si Dan Louise, isang environmental scientist na gumagawa ng solusyon para mapanatili ang kalinisan ng mga anyong tubig at mapalakas ang nutrisyon ng lupang sakahan sa Bani.
Habang masayang nagkukwentuhan ang lahat at nagkukumustahan, biglang namatay ang ilaw at may lumabas na isang video message sa malaking screen—isang pagbati mula sa kanilang dating mga guro sa High School na naging gabay nila sa kanilang paglalakbay noon. Napuno ng mabigat na emosyon ang silid at napaiyak ang ilan sa kanila habang naalala nila ang kanilang mga pagsubok—ang paglalakad ng malayo upang makapasok sa paaralan, ang pagsasakripisyo ng tulog para matapos ang kanilang mga proyekto, at ang matinding determinasyon upang maabot ang kanilang mga pangarap, ang pagkikibilad nila ng palay sa daan upang kumita ng pambaon sa eskwela, ang pakikipamasukan nila at pakikisambahay upang may kita ang kanlang pamilya, ang pagtitiis nila ng gutom para lang makapasok sa paaralan.
Ngunit ngayon, narito sila—patunay na ang bawat pawis, luha, at sakripisyo at pagtitiyaga ay may gantimpala. Ang TVL Batch 2025 ng Ranom Iloco National High School ay hindi lang basta nagsipagtapos—sila ay nagtagumpay! Sila ay nagbunga sa kung saan sila naitanim. Sila ngayon ay may maayos na buhay.
Sa pagtatapos ng gabi, sabay-sabay nilang sinabi:
"Walang imposible sa taong may pangarap! Kami na galing sa hirap, ngayon ay tutulong sa mga mahihirap!" Sila ay maipagmamalaki ng kanilang komunidad na kanilang pinanggalingan.
Kasabay ng masayang palakpakan, iniwan nila ang hall na may panibagong inspirasyon—ang patuloy na mangarap at magsikap para sa mas maliwanag na hinaharap. Ang tumulong sa mga nangangailangan nilang mga kabarangay. Sila ang panibagong pag-asa ng ating bayan.
Habang paisa isa na umaalis ang mga magkakaklase, sa isang madilim na parte ng bulwagan ay naiwan sa upuan ang isang pamilyar na lalaki na kanina pa nakamasid sa mga nangyayari. Siya ang naging piping saksi sa kanilang tagumpay sa buhay at sa kanilang laban noong Senior High School nila at hanggang sa ngayon na kanilang narating. Umilaw na sa lugar na kanyang kinauupuan at bumungad ang mukha ng lalaki,- Si Kuya Derek na tahimik na kumakain at masayang masaya sa kaniyang mga nakita. Ang mga matagumpay na mga nakasama niya sa loob ng paaralang iyon. Ang Ranom Iloco National High School.
TVL Batch 2025, kayo ang patunay na ang kahirapan ay hindi hadlang sa tagumpay. Sa kabila ng mga hamon at pagsubok na inyong pinagdaanan, pinatunayan ninyo na ang sipag, tiyaga, at determinasyon ay susi sa pag-abot ng inyong mga pangarap. Ang bawat aral na inyong natutunan at ang bawat pagsusumikap na inyong ibinuhos ay magdadala sa inyo sa mas maliwanag na kinabukasan. Ipagpatuloy ninyo ang inyong pagsisikap at huwag kayong matakot humarap sa mas malalaking oportunidad. Mabuhay kayo at ipagpatuloy ang pag-abot sa inyong mga pangarap—ang mundo ay naghihintay sa inyong tagumpay!
Samantala,...
Biglang nagising si Rowen Jay dahil sa pagkakalaglag nito sa higaan. Dahan-dahan niyang iminumulat ang mga mata at siya ay napaaray sa sakit dahil sa pagkakabagsak. Inabot niya ang cellphone niya at tinignan ang oras. Alas Syete na ng umaga at napabaliktad siya sa pagkakaalala na Final Exam niya pala ngayong araw. Dali-dali siyang bumangon at halos liparin na niya sa pagtakbo ang banyo upang maligo na. At habang naliligo siya, napangiti siya dahil naalala niya ang panaginip kanina lang. At nasabi niya sa sarili niya, "Sana mga magkatotoo ang panaginip na iyon."
Agad na siyang pumunta sa paaralan na kanyang pinapasukan. Pagdating sa kanilang room, nakaayos na ang lahat ng upuan para sa kanilang Final Exam. Agad siyang umupo at masaya niyang ikwinento sa lahat ang kanyang panaginip. Nagkatawanan ang buong klase. At si Kuya Derek ay nakangiting nakatingin sa kanila at tila kumislap ang gilid ng kaniyang mga mata na tila ba may nais ipahiwatig ang mga ngiting iyon.
At ito na po ang buong kwento ng inyong section. Sana ay nagustuhan niyo. I-comment kung nagustuhan niyo ang aking kwento. Sana darating ang panahon na ito. Orayt.
#kabandaan #bonifacioalosjr #siralostv #orayt #aloscubers #jmbofficial
8 comments:
Patricia po sir soon be flight attendant po
wow naman sir nakakatouch, not now but surely soon in God's will and perfect timing, manifesting ~louiela & anie
Wow naman, sayang, iba ang nailagay ko sa Class prophesy nyo, Sorry po,..
Magiging masaya ako sa reunion niyo pag nangyari ang ganito,.. Just keep fighting, at tuparin niyo ang mga pangarap niyo,..
yes sirđź«¶
Nakakatouch nmn po Sir!!..Sana maachieve namin Yan sir pag dating Ng araw!!❤️
aasahan ko yan sa inyo,..
salamat naman at nagustuhan mo, sana yung iba din mabasa nila at sana magustuhan din nila,..basta alam ko, darating ang time na magiging successful kayo,..
Post a Comment